Advertisers
Mainit pa rin ang usapan sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte matapos i-archive ng Senado ang kaso.
Marami ang nagbigay ng opinyon sa naging hakbang ng mga mambabatas. Para sa ilan, malinaw na dapat sundin ang tamang proseso para maging patas ang anumang impeachment. Para naman sa iba, halata ang halong pulitika lalo na’t sentro si VP Sara sa usapan habang papalapit ang 2028 elections.
Sa panayam ni Boy Abunda kay Senador Alan Peter Cayetano, inihalintulad ng senador ang kasalukuyang pulitika sa isang “Royal Rumble” kung saan lahat ay nag-aaway at hindi malinaw kung sino ang magkakampi.
Pero mas binigyang diin niya ang aniya’y isang seryosong problema dahil tila ang kaguluhan na ito ay walang “referee.”
Sa isang laro, ang referee ang tagapamagitan at tagapagpatupad ng patas na laban. Sa pulitika, ang papel na ito dapat ay ginagampanan ng mga analyst, eksperto sa batas, propesor, at dating mahistrado.
Naalala ko pa noon sa bawat exposé o mga pasabog na issue, ang kanilang mga tinig ang nagbibigay linaw sa mga isyu na may batayan sa batas at ebidensya.
Pero ayon kay Cayetano, marami sa mga tinatawag na “independent” voices ngayon ay may kinikilingan. Imbes na magbigay-linaw, lalo nilang pinapahina ang tiwala ng publiko sa proseso.
Sa halip na objective analysis, mas nakikita ang opinyon na nakaangkla sa personalidad at alyansa. Dahil dito, mas nagiging malabo sa mata ng karaniwang Pilipino ang impeachment laban sa Bise Presidente.
Kung walang malinaw at kagalang-galang na referee, nagiging laban ito ng palakasan ng boses sa social media at tradisyunal na media. Sa ganitong sistema, hindi ideya at prinsipyo ang nananalo kundi kung sino ang mas maingay at mas mahusay magpaikot ng opinyon.
Natural na magulo ang demokrasya pero may hangganan ito. Kailangang may mga isyu na pinagkakasunduan nating lahat bilang bayan.
Kung wala ito, at kung lahat ay gustong maging player, wala nang magpapatigil sa gulo. Ang gulo ng nga ng sistema natin sa bansa, gugulo pa kung kampihan nalang mapa anong away pulitika
At sa larong walang referee, madalas, ang talo ay hindi lang isang kampo kundi tayong lahat.