Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
MULING maghahandog ang Inding-Indie Film Production ng isang makabuluhang obra na naglalahad ng mga bagong aral patungkol sa kasiyahan, buhay, at pag-ibig.
Ito ay mga kuwentong binigyang-buhay sa pamamagitan ng kahanga-hangang pagganap ng child actress na si Jacey Mae Sanico. Ang talented na bagets na ito ang isa sa mga itinuturing na rising indie artist ng kanyang henerasyon.
Sa kabila ng pagiging baguhan, mabilis na napapansin si Jacey dahil sa kanyang dedikasyon at kakaibang presensiya sa bawat papel na ginagampanan o natotoka sa kanya.
Isa siyang bagong mukha na may malaking potensiyal na magbigay ng panibagong sigla sa indie film industry.
Kasama rin ni Jacey ang mga kapwa indie artist para sa mga maikling pelikula na “Boy Busangot” at “Masaya Ka Ba?” na mula sa Inding-Indie Management. Kabilang dito sina Patrick Yuson, Sapphire Cruz, Rui Suansing, Alyssa Ivana, Ericka Marantan, Mia Amor Borsigue, Kenly Barte, Quin Lanzar, Naidel Paje, James Serrano, Zowie Santos, at Ashley Santos.
Sa mga inilinyang istorya ng mga pelikulang ito ay inaasahang masasalamin ang kasalukuyang karanasan ng kabataan at pamilya sa modernong panahon.
Nakatakdang ilunsad ang pelikula sa mga piling sinehan maging sa digital platforms, bagama’t wala pang opisyal na petsa para rito.
Plano rin ng produksiyon na maisama ang pelikula sa mga itatanghal sa Metropolitan Theater sa darating na Setyembre 29.
Abangan at suportahan ang mga susunod pang proyekto ng Inding-Indie Film Production na naglalayong maghatid ng makabuluhang aral at inspirasyon na maaaring magpabago sa buhay ng tao.