Advertisers

Advertisers

Baseco Hospital, wow!

0 62

Advertisers

OPO, dear readers, may “First” ang Maynila na wala sa ibang LGUs, at ito po, ay ang Baseco Hospital — na ika-7 pagamutan sa lungsod.

Ano ang kahanga-hanga sa ospital ng Baseco, e ito lamang naman ang kauna-unahang barangay na may sariling ospital na pinasinayaan nitong Biyernes, September 5, 2025.

“Baseco, once isolated and underserved, now has its own hospital.” sabi ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Actually, itong Baseco Hospital ay mas kilala sa pangalan nitong President Corazon C. Aquino General Hospital, at sabi nga ni Yorme Isko, nakakatuwa nga na isipin, sa buong Pilipinas, tanging sa Maynila lamang na may isang barangay na may sariling ospital.

Kaya ba itong ma-duplicate ng ibang city o provincial government?

Mahihirapan sila, kaya nga, masaya ang mga taga-Baseco, kasi hindi na sila lalayo pa ng pupuntahan, kasi, konting lakad lang, makapagpapagamot agad-agad sila.

Sabi nga ni Yorme, isang kembot lang, solve ang problema.

“This hospital may serve at least 80,000 people from Intraport to Baseco.

May 50-bed capacity ito na kumpleto sa emergency room. digital x-ray (naks, moderno talaga!), may centralized oxygen supply line.

May maternity. pediatrics, surgery and internal mediciine, at ang nagastos dito, P100-milyon lamang na itinayo nga sa pusod ng Baseco Compound sa Barangay 649.

Isa sa pinakamahirap na komunidad itong Baseco Compound na karaniwang trabahador, estibador at arawang manggagawa ang nakatira na masasabing ang pamilya ay kabilang sa kategoryang, “isang kahig, isang tuka.”

Karamihan sa lugar ay nasa laylayan ng lipunan, sabi nga, kabilang sa sektor ng walang-walang ikabubuhay, na ayon sa statistics, halos hindi kumikita ng P10,000 isang buwan ang mga residente sa lugar.

Madalas maging biktima ng kalamidad ang Baseco Compound at mga katabing barangay, at ngayon na mas maipagmamalaki — na may sariling barangay hospital — abot-kamay na ang solusyon sa tinatawag na “latak ng lipunan” sa mabilis at maasahang serbisyong medikal.

Ang swerte naman ng mga taga-Baseco, at matatandaan, inumpisahan itong maitayo noon unang termino ni Yorme Isko at salamat, sa wakas sa pagbabalik ni Isko ay binuksan na ito.

Sabi nga ni Yorme Isko, maituturing na isang katuparan ng hustisyang panlipunan (social justice) ang Baseco Hospital, at katuparan sa sinabi noon ni President Ramon Magsaysay, “Those who have less in life must have more in law.”

Sa gobyerno ni Isko, mas inuuna niya ang kapakanan ng mga “less in life,” o ang mga taong walang-walang ikakaya sa buhay.

Sa pasinaya, naipakita ng makisig na alkalde — na mula sa pamilyang dugyot sa Tundo at naging basurero at pinalaki sa pagkaing pagpag — ang kanyang higit na malasakit sa mga tunay na nangangailangan.

At isang pagbibigay dangal kay dating President Cory Aquino ang pagpapangalan sa ospital na ito para sa mahihirap, e kilala naman natin si Tita Cory, isa siyang icon ng demokrasyang Pilipino.

Mataginting at nanunuot sa puso at isip ang talumpati ni Mayor Domagoso, ating namnamin ang sinabi niya: “Ito ang araw ng kalayaan ng paghihirap ng mga kababayan natin na pag nangangailangan ng programang pangkalusugan, hindi na sila mahihirapan.”

Sabi pa ni Yorme:” Layang-laya na kayo dahin nandirito na, kapitbahay nyo lang,” ang ospital para sa mas kapos at walang-wala sa buhay.

Walang politika sa pagpapangalan kay Tita Cory sa ospital, pagkat karapatdapat lamang na parangalan ang unang babaeng pangulo ng bansa na ang buong mundo ay kinilala ang kanyang malaking ambag sa pagbabalik ng kalayaan ng masang Pilipino mula sa kamay na bakal ng diktaduryang Marcos noon.

Gayunman, may bilin ang alkalde sa publiko na maging maunwain tungkol sa mga nars at masungit na doktor, “Lagi nyo isaisip a isasapuso, tao rin sila, napapagod, napupuyat kahit gaano pa kadalubhasa ang doktor at nurse, there is nothing they can do kung wala naman silang gamit.”

Muli, ipinaalaala ni Yorme Isko na hindi tumitigil ang bagong gobyerno ng lungsod sa mga adhikain na maibigay ang lahat ng makagagaan sa buhay ng Manilenyo.

Kapos man sa pinansiya ngayon — bunga ng pagkawaldas sa pondo ng siyudad ng nakaraang administrasyon — hinahanap ng alkalde na hindi maputol ang serbisyo at kalingang suporta sa edukasyon, trabaho, negosyo at serbisyong makatao sa mga lola at lolo, mga solo parents, sa mga PWDs at sa maraming sektor ng mangggagawa at mahihirap na pamilyang Manilenyo.

Kung problema sa kalusugan at gamutan, malaya na nga ang sektor ng mahihirap sa lungsod ng Maynila, at maitatala nga sa kasaysayan ng siyudad, for the first time, tanging sa barangay ng Baseco lamang may sariling ospital na wala sa ibang lugar sa Pilipinas.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.