Advertisers
Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pangako na itaas ang kita at produksyon ng mga magsasaka.
Sa inagurasyon ng Calunasan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Calape, Bohol, binigyang-diin ni PBBM na ang mga magsasaka ang haligi ng seguridad sa pagkain at mahalagang bahagi ng ekonomiya ng bansa.
Maliwanag ang kanyang mensahe, tutulungan ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura upang mas maging produktibo at kapaki-pakinabang.
Nariyan na kasi ang dagdag na irigasyon kaya mas mataas na ani ang aasahan, at mas malaking kita ang mapupunta sa mga magsasaka.
Hindi lamang ito para sa kanilang pamilya, kundi para rin sa buong sambayanang Pilipino.
Tama ang sinabi ng Pangulo na ang mga magsasaka ay “bagong bayani.”
Madalas nga naman ay nakakalimutan sa mga lungsod kung gaano kahalaga ang kanilang sakripisyo.
Kung wala sila, wala tayong pagkain sa hapag.
Kaya nararapat lamang na kilalanin ang kanilang kontribusyon at bigyan ng sapat na suporta.
Hindi lamang tungkol sa agrikultura ang proyekto.
Iminungkahi rin ng Pangulo na gawing eco-tourism destination ang Calunasan SRIP dahil sa likas nitong ganda at magandang lokasyon.
Kapag naisakatuparan ito, bukod sa dagdag ani ay maaari ring maging dagdag hanapbuhay para sa mga tao sa Bohol.
Ipinahayag din ng Punong Ehekutibo ang plano na ayusin ang Bohol-Panglao International Airport para magkaroon ng direktang international flights.
Aba’y isa itong hakbang na magpapadali sa pagdating ng mga turista at makakatulong pa lalo sa ekonomiya ng lalawigan.
Kasaba nga nito, nanawagan si Pangulong Marcos sa mga magsasaka na alagaan ang irigasyon at kapaligiran.
Kapag sama-samang pinangalagaan ang mga likas na yaman at ginamit nang tama ang suporta ng gobyerno, tiyak na magiging masagana ang ani at mas maunlad ang buhay ng ating mga magsasaka—mga tunay na bayani ng bayan.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.