Advertisers

Advertisers

DPWH exec. nakabili ng P2.5b properties sa Forbes Park at Corinthian

0 52

Advertisers

SA gitna ng nagpapatuloy na anti-corruption campaign ni Secretary Vince Dizon, umugong ang balita tungkol sa isang mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y nakapag-ipon ng P2.5 bilyong halaga ng mga prime real estate sa Forbes Park at Corinthian Gardens.



Ayon sa source ng Bilyonaryo News Channel, kabilang sa pagmamay-ari ng opisyal ang isang lote sa Forbes Park na may halagang nasa P1 bilyon, at limang lote sa Corinthian Gardens sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City na tinatayang nasa P1.5 bilyon.

Nakapangalan umano ang mga ari-arian sa isang contractor na nagsisilbing trustee, ayon pa sa source.

Itinuturing din daw ang opisyal bilang “mini-DBM” (Department of Budget and Management) ng ahensya dahil sa kanyang impluwensya sa pagpopondo at ugnayan sa mga contractor at politiko para sa kickbacks.

Nagsimula umano siya bilang personal assistant ng isang makapangyarihang DPWH executive at unti-unting umangat sa posisyon sa bawat administrasyon.

Ginamit din umano nito ang nakuhang pondo para bumili ng mga ari-arian at tugunan ang mga luho habang nagiging maingat at nanatiling lowkey ang kanyang image.

Matapos ang ilang taon ng pamamayagpag sa ilalim ng radar, nagsisimula na raw itong lasapin ang ‘gantimpala’ sa nakuhang yaman, dagdag pa ng source.