Advertisers

Advertisers

PEKENG PAPEL NABUKING! Konseho ng Makati Binanatan ang minority Bloc sa Pandaraya ng Dokumento

0 192

Advertisers

NAGKAKAGULO ngayon sa loob ng Makati City Hall matapos mabunyag ng Ethics Committee ng Sangguniang Panlungsod ang umano’y pamemeke ng opisyal na dokumento ng isang miyembro ng minority bloc, kabilang ang pagpapalit ng mga pahina sa mga draft ordinance.

Sa isang opisyal na ulat, tinukoy ng Committee on Laws, Rules, and Ethics sina Konsehal Rolando Duka Alvarez Jr., Atty. Dindo R. Cervantes (Chief of Staff ni Vice Mayor Kid Pena), at isang Ms. Alerama na responsable sa pagmamaniobra at pamemeke ng mga opisyal na dokumento ng konseho.

Ayon sa komite, nilagyan ng ante-dated receiving stamps ang mga papeles, pinalitan ng ibang pahina, at ginamit muli ang mga lumang signature pages para magmukhang maayos at regular ang pagkakapasa ng mga ito.

Tinawag ng komite ang insidente bilang malinaw na paglabag sa mga alituntunin ng konseho, at maaari humantong sa kasong kriminal sa ilalim ng Revised Penal Code. Inirekomenda rin ang pagsasampa ng kaukulang kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot.

“Sa kanilang ginawa, binaluktot nila ang integridad ng mga opisyal na tala, sinira ang proseso ng paggawa ng batas, at nagbukas ng mapanganib na halimbawa ng pagmamanipula ng mga dokumento para sa pansariling interes,” ayon sa ulat ng komite.

Mariin ding tinutulan ng panel ang depensang “good faith” ng mga akusado, na anila’y hindi katanggap-tanggap dahil malinaw ang intensyon ng pandaraya.

Nagsimula ang isyu Setyembre 12, 2025, nang magsumite ang ilang miyembro ng Minority Bloc ng limang draft ordinances para sa first reading.

Makalipas ang ilang araw, napansin ni Majority Floor Leader Konsehal Fernando Felix “Dino” L. Imperial ang mga kaduda-dudang pagbabago sa mga dokumento habang nagre-review bago ang sesyon. Ang mga tila simpleng edit, ayon sa kanya, ay naglaman pala ng malalaking pagbabago na direktang nakaapekto sa nilalaman ng mga ordinansa.

Sa masusing pagsusuri, nadiskubre ni Imperial na ang minority bloc ay nag-imprenta umano ng bagong bersyon ng mga dokumento na may malalaking pagbabago, at palihim na pinalitan ang mga orihinal na pahina.

Noong Setyembre 15, 2025, sina Ms. Marjorie Poliran at Ms. Rufina Gigante, mga staff ng Office of the Secretary to the Sangguniang Panlungsod (OSSP), ay umano’y nalinlang na palitan ang mga orihinal na kopya ng mga bagong bersyon, habang ginamit muli ang lumang receiving stamp at mga signature page na dati nang naisumite.

Kinumpirma sa line-by-line comparison na may naganap ngang pandaraya. Kabilang sa mga binago ang mga insentibo sa mga ordinansa, mga pamagat, at ilang detalyeng teknikal—mga bagay na dapat sana’y inaayos lamang sa antas ng komite o sa plenaryo.

“Ang utos na palitan ang dokumento pero gamitin pa rin ang parehong petsa at oras ng received stamp, pati ang muling paggamit ng signature pages, ay malinaw na peke at paglabag sa opisyal na rekord,” ayon sa ulat.

Sa sesyon noong Setyembre 24, kinumpirma ng OSSP Secretary na ang mga naipasa noong Setyembre 15 ay mga pinalitan at hindi ang mga orihinal. Nagdulot ito ng mainit na bangayan sa loob ng konseho.

Tinuligsa ni Imperial ang insidente bilang “isang criminal offense sa ilalim ng falsification of public documents” at inirekomendang kasuhan ang mga sangkot.

Pinangunahan ni Imperial ang komite, na may vice chair na si Konsehal Nemesio “King” S. Yabut Jr., na nagsagawa ng pagdinig noong Setyembre 29. Halos lahat ng mga saksi ay umaming may naganap na pagbabago sa mga dokumento.

Mariing binanatan ng ulat ang “sinadya at may malisyosong intensyon” ng mga sangkot na indibidwal.

Ang minority bloc, na kilala sa pagsigaw ng transparency at accountability, ay ngayon sila naman ang inaakusahan ng kabaligtaran.

Noong Oktubre 8, 2025, inaprubahan ng buong konseho ang ulat, kaya’t ang rekomendasyon na magsampa ng kaukulang kaso laban sa tatlong indibidwal ay opisyal nang posisyon ng Sangguniang Panlungsod ng Makati.

Patuloy namang lumalakas ang panawagang magbitiw sa puwesto ang mga sangkot.

“Kailangang igalang at panatilihin ang kabanalan ng mga pampublikong rekord at ang dangal ng Sangguniang Panlungsod bilang institusyon,” pagtatapos ng report.

Ang pagkakasama ng Chief of Staff ni Vice Mayor Pena sa listahan ng mga irerekomendang kasuhan ay seryosong nagpapalabo sa pahayag ng bise alkalde na siya ay politically neutral o walang kinikilingan sa konseho.