Advertisers
KULONG ang mayor ng Josefina, Zamboanga del Sur nang magpaputok ng baril bilang warning shot diumano sa mga nag-aaway malapit sa kungsaan nakaparada ang kanyang sasakyan noong Sabado, November 1, 2025.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Josefina Mayor Alberto “Dodong” Etulle na nahaharap sa kaukulang kaso, ayon sa ulat nitong Linggo, November 2.
Ayon sa ilang residente ng Josefina at local officials sa mga karatig na bayan sa Zamboanga del Sur, lasing si Etulle nang magpaputok ng baril.
Ayon naman sa isang Allyn Ambagay Etulle, nag-warning shot lang ang mayor dahil may nag-aaway malapit sa kanilang sasakyan na akma namang papalabas ang kanyang misis. Ginawa raw ito ng alkalde para maprotektahan ang kanyang pamilya.
Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag ang Tanggapan ng Punong Bayan ng Josefina kaugnay ng insidenteng naganap nitong Sabado..
Ayon sa opisina, hindi direktang nasangkot ang alkalde sa naturang pangyayari. Dahil anito sa agarang banta, isang kontroladong warning shot ang pinaputok upang maiwasan ang anumang panganib sa pamilya ng mayor.
Nilinaw din ng pamahalaang lokal na hindi inaresto ang alkalde, kundi kusang loob na sumuko kasama ang kanyang lisensyadong baril na may kumpletong dokumento. Ginawa ito bilang pagpapakita ng buong kooperasyon sa isinasagawang legal na proseso.