Advertisers

Advertisers

Ibon mang may layang lumipad, at Justice delayed is justice denied!

0 33

Advertisers

ILANG ulit ko na rin pong tinalakay ang tungkol sa makabayang tula na “Bayan Ko” na iniakda ng makabayan at makatang si Jose Corazon de Jesus na kilala sa bansag niyang Huseng Batute.

Isinulat ito ni Huseng Batute noong 1929 sa wikang Espanyol at naisalin sa ganitong titik, at kung ating maalaala, naging tampok na awitin ng protesta at pakikibaka laban sa diktadurang Ferdinand ‘Macoy’ Marcos Sr. noong dekada 70 na tumagos hanggang dekada 80 hanggang sa pagbalikwas ng taumbayan sa kilala-sa- mundo na People Power Revolution noong 1986.

Ngayon ay nagmaliw na ang sigla ng awiting ito na nagpaapoy sa makabayang Pilipino sa harap ng maliwanag na agresyon at pandadarag ng China sa usapin ng agawan sa WPS.

Nahahati ang bayan sa dispute na ito at kalat ng mis-information at propaganda na panig o kontra sa sigaw na “Atin ang West Philippine Sea” at ang dati pa at hanggang ngayon na pahayag ni Presidente Feedinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi niya isusuko ang kahit ilang dangkal ng pag-aari natin sa karagatang ito.

Ito na ang panahon na kailangan nang ihayag natin — para ba tayo sa pagpapanatili ng ating kalayaan, at ang paglaban sa mga nais na tayo ay sakupin.

Hindi na kailangang pag-alinlanganan ang intensiyon ng China, lalo na ngayon, ayon sa huling balita, muli na namang nagsagawa ng delikadong maniobra ang mga barko ng Chinese Coast Guard kontra sa mga pangkat natin sa WPS.

Wag tayong pumayag na ang Ibon ng Kalayaang Malayang Lumilipad ay Maikulong sa Hawla ng Pagka-alipin.

“Ibong mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak /Bayan pa kayang sakdal dilag/Ang di magnasang makaalpas.

Pilipinas kong minumutya/Pugad ng Luha at dalita/Aking adhika /Makita kang sakdal laya.
***
Kung ang inyong lingkod ang tatanungin, dapat parusang kamatayan ang iparusa sa human trafficking, online sex exploitation ng mga bata at menor de edad.

Batay sa RA 1193, life imprisonment ang pinakamabigat na parusa, at P500K hanggang P10-milyon ang penalty sa convicted trafficker.

Opinyon ko lang po ito dear readers, sana ay i-consider ng ating mambabatas, kasi ang isang biktima, halimbawa isang 15-anyos na batang babae na bukod sa inaalila na ay pinagsasamantalahan pa, ito ay isang continuing crime, paulit-ulit na pagdungis hindi lang sa pisikal na katawan ng biktima, kungdi pati rin sa kaluluwa niya, at ang bawat minutong malabis na pag-aalaala, malaking takot, stress at hinagpis sa mga magulang.

Para sa akin, higit ito sa krimeng pagpatay, paggahasa o iba pang heinous crimes na may mabigat na parusang kulong na habambuhay na walang pag-asang makalaya pa o mabigyan ng parole o executive clemency.

Isipin mo, may anak kang lalaki o babae na mula pagkasanggol — buong timyas na inaruga, minahal nang higit pa sa sarili mo, at lahat ng sakripisyo ay gagawin upang mapalaki lang nang maayos, tapos, dudukutin, aagawin sa iyo, saka gagawing alipin.

Kung ikaw ay ama, ina, kapatid o kaanak, gaano ka man kabait at ugaling santo, kung gawing aliping parausan ng laman at alilang-kanin ang anak mo, tiyak kung mahuhuli ang kriminal, nanaisin mong pulbusin pati buto niya.

Kulang pang parusa iyon, pagkat kalunos-lunos ang parusang dinadanas ng isang biktima sa bawat minuto sa kamay ng halimaw na kumain sa kanyang laman at kaluluwa.

Nakalulunos din na may mga magulang na udyok ng gipit na kahirapan, sila pa ang nagtutulak sa kanilang musmos na anak na ibenta ang katawan sa mga pedophile o ibuyangyang ang katawan sa online sex child trafficking.

Nakahihiya ang Pilipinas na hanggang ngayon ay tinatawag na “haven” ng human traffickers, at ayon sa ulat ng pulisya, talamak at patuloy ang krimeng ito sa mga lugar ng Pasay City, Makati City, Olangapo, Angeles City, Boracay, Puerto Galera, Surigao at sa marami pang lugar sa bansa.

Kahirapan, walang muwang sa batas, kulang na pansin ng awtoridad sa mga reklamo, lalo na kung ang biktima ay galing sa mahihirap na pamilya.

Sa totoo, isang global epidemic ang human trafficking, at sa pag-aaral, ito ang isa sa pinakamabilis na sindikato ng krimen sa mundo.

Isang krimen ito na nakatago, pinalihim-lihim sa mga sulok-sulok ng mararangyang bahay, sa mga bahay-kubo na ang anino ng mga biktima na gusto mang ilitaw ang karumaldumal na karanasang sinapit ay napipilitang itago sa malaking takot, malabis na pagkapahiya sa sarili, at sa paniniwalang walang mangyayari, magreklamo man dahil sa walang ikakayang itustos na salapi sa mataga, mabagal na proseso ng pag-uusig sa ating bansa.

Mungkahi natin: sana lumikha ng isang espesyal na korte na ang atas ay mabilis na pag-uusig sa loob lamang ng hindi lalagpas sa anim na buwan.

Justice delayed is justice denied, sabi nga natin.
***
Para sa akin dear readers, kamatayan ang dapat iparusa sa human trafficking, pagkat ito ay kasalanang moral sa sangkatauhan.

Iwinangis tayo sa diwa ng Diyos sa pagkalikha sa atin, tapos dudungisan, wawasakin na parang laruan at itatapong tulad sa maruming basahan.

Diyos na lumikha sa atin ang dinudungisan, nilalapastangan ng mga kriminal na ito.

Paulit-ulit na kamatayan ang sinasapit ng biktima ng human traffickers kaya dapat, sa paniniwala ko, ipataw rin sa kanila ang pinakamabigat na parusang kamatayan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.