Lisensya ng pickup driver umararo sa motorsiklo at magulungan ang driver at angkas, sinuspende ng 90-araw
Advertisers
Sinuspende ng 90-araw ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng Toyota Hilux pickup na umararo sa isang motorsiklo upang umilamin at magulungan ang rider at ang angkas nito na nangyari sa Tuguegarao City.
Ipinag-utos ang agarang pagsuspende sa lisensya ni LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao alinsunod sa kautusan ni DOTr Acting Sec. Giovanni Z. Lopez kaugnay sa kampangay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga abusadong driver sa lansangan na nagdudulot ng panganib sa buhay at kaligtasan ng mga kapwa motorista at manlalakbay.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa National Highway paglampas sa Buntun Bridge sa Tuguegarao City, Cagayan nitong Linggo November 2, 2025.
Bukod sa pagpataw ng 90-day preventive suspension sa driver’s license ng driver, naglabas din ng Show Cause Order (SCO) ang LTO laban sa registered owner ng Toyota Hilux pickup na may plakang CAE – 9448, para dumalo sa hearing upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat maharap sa kasong reckless driving at tuluyang makansela ang lisensya ng driver “for being an improper person to operate a motor vehicle.”
Ayon kay Assec. Lacanilao, ang hindi pagdalo ng driver at may-ari ng sasakyan sa pagdinig at hindi pagsusumite ng sinumpaang paliwanag sa hinihingi ng LTO, ay maituturing bilang pagsuko o pagbalewala sa karapatang marinig ang kanilang panig.
Dedesisyunan naman ang kaso batay sa mga ebidensiyang nasa kamay ng ahensya. (Almar Danguilan)