Advertisers
IGINIIT ng Malakanyang na welcome sa kanila ang anumang impormasyon mula kay Cebu Governor Pamela Baricuatro upang matukoy kung bakit nagkaroon pa rin ng matinding pagbaha sa lalawigan sa kabila ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, mahalagang malaman kung may mga proyekto bang hindi maayos ang pagkakagawa o kung may kapabayaan sa implementasyon ng ilang flood control initiatives sa lalawigan.
Giit ni Castro, posibleng magsilbing basehan ang impormasyon ng gobernador sa pagpapanagot sa mga opisyal o kontraktor na pumalpak sa kanilang tungkulin kung mapatutunayang may iregulari-dad.
Hindi aniya ito limitado sa mga proyekto sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kundi pati na rin sa mga naipatayo noong nakaraang administrasyon upang masuri nang buo ang siyam na taong implementasyon ng mga proyekto.
Batay sa datos ng gobyerno, umabot sa 343 flood control projects ang naipatupad sa Cebu mula 2016 hanggang 2022 kaya’t mahalagang matukoy kung alin sa mga ito ang hindi umandar o agad nasira.
Binigyang-diin ng Palasyo na pangunahing layunin ng pagsusuri na matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang tama at epektibo, lalo na’t kaligtasan ng mga tao ang nakataya sa gitna ng mas malalakas na bagyong nararanasan ng bansa.
Wala pang pahayag ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ukol dito. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)