Advertisers

Advertisers

BAKIT SI PANGULONG MARCOS ANG NAGPAHALUKAY KUNG SIYA RAW ANG MAY SALA?

0 13

Advertisers

Sa naglalabasang akusasyon ni dating Cong. Zaldy Co, malinaw na hindi katotohanan ang nangingibabaw kundi narrative engineering.

Kung panonoorin nang mabuti ang Part 1 ng kanyang video, wala siyang sariling ebidensya, wala siyang konkretong pruweba, at wala siyang direktang pag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang meron lamang ay mga salitang nagsisimula sa “sabi ni Speaker,” “sabi ni Sec. Pangandaman,” “sabi ni Usec Bersamin.”

Ibig sabihin, puro hearsay. Puro third party. At puro kwento.

Kung may totoong laman ang akusasyon, dapat si Co ay may dalang dokumento, recording, o mismong kumpirmasyon mula sa mga taong binanggit niya.

Kapansin-pansin ang sobrang detalyeng inilaan niya sa diumano’y “brown leather bag” na hawak daw ng Pangulo. Ito’y mukhang sinadyang gawing cinematic, isang elementong mas bagay sa scriptwriting kaysa sa imbestigasyon.

Ngunit higit sa lahat, hindi nito sinasagot ang pinakamahalagang tanong: Kung talagang may anomalya si Pangulong Marcos, bakit siya mismo ang nag-utos ng full audit?

Bakit siya ang bumuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)? At bakit siya ang nagtalaga ng masigasig na Ombudsman upang hukayin ang flood control scam, kahit ang panahon ng imbestigasyon ay July 2022 hanggang May 2025, o mismong ilalim ng kanyang administrasyon?

Walang ibang Pangulo ang magpapaimbestiga ng sariling administrasyon kung may tinatago talaga siya.

Ginawa ito ni Marcos, dahil malinaw ang direksyon, walisin ang bulok, linisin ang sistema, at panagutin ang dapat managot, kahit sino pa sila.

Kung totoo ang sinasabi ni Co na may P100 bilyong “insertion,” bakit si PBBM ang unang nagpausisa sa mismong ahensyang inaakusahan ni Co? Bakit siya ang naglatag ng mekanismo para mabisto ang mga maling gawain? Iyan ang tanong na hindi kayang sagutin ni Co, kahit ilang video pa ang gawin niya.

Kaya habang lumiliit ang mundo ni Zaldy Co, mas nagiging desperado ang kanyang mga kwento.

Ang problema sa kasinungalingan, hindi ito tumatagal sa harap ng mga konkretong hakbang ng gobyernong naglalayong maglinis ito.

Sa dulo, malinaw ang laban na ito: Katotohanan ni Marcos vs. Kasinungalingan ni Co.

At sa mata ng bayan, mas mabigat ang gawa kaysa salita.

Mas matibay ang reporma kaysa tsismis.

Mas malakas ang ebidensya kaysa imbento.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.