Advertisers
Hindi pa man umuusad ay nais ng magpasalamat ng libo-libong bilang ng mga estudyante, magulang at maging ang mga guro mula Elementarya hanggang High School sa ika unang distrito ng Lalawigan ng Tarlac sa butihing Department of Education Secretary Sonny Angara. Aba’y bakit?
Ganito po iyon mga Ka Usapang HAUZ, biglang nagkaroon ng linaw ang matagal ng inaasam-asam na mga miyembro ng Tarlac 1st District Parents Teachers Association (PTA) sa matagal na nilang request sa pamunuan ng DepEd ng karagdagang silid aralan maging ang pagkumpuni ng halos sira sirang class room at higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng matibay at konkretong school buildings.
Bibigyan ng magandang paliwanag ng Usapang HAUZ ang idinulog sa inyong lingkod ng mga miyembro ng Tarlac 1st District PTA kung paano hindi man lang umusad ang kanilang minimithing maayos na silid aralan samantalang May 24, 2024 ay natanggap na ng pamunuan ng DepEd sa pamamagitan ng tanggapan ni Usec. Efimaco Densing kung saan ang mismong tanggapan naman ni DPWH Usec. Eric A. Ayapana ang nagpa receive ng mga letter request.
Buwan ng July 1, 2024 may lumabas na Document Memo mula naman sa tanggapan ni dating DPWH Sec. Manuel Bonoan na ang mga dokumento na iprinisinta ay Completed kung saan Processing Status Released.
Ang nahawakang dokumento ng Usapang HAUZ ay personal na idinulog sa tanggapan ng DepEd Records Section, habang itinuro naman tayo sa tanggapan ni Engr. Marjorie Tiborcio na siyang hepe ng Education Infrastructure Division na siyang nagbigay linaw kung paano ang muling gagawin para sa inaasam na request para sa mga new school buildings.
Paliwanag ni Engr. Tiborcio ang mga letter request ng Tarlac 1st District PTA mula sa tanggapan ni Usec. Densing ay balewala na dahil hindi na ito aktibo sa departamento kung kayat mas makakabuting sumulat ulit ng request at I address kay Wilfredo E. Cabral na siyang Regional Director, Officer-In-Charge, Office of the Undersecretary Human Resource and Organizational Development and School Infrastructure and Facilities Department of Education.
Sa pamamagitan naman ni Ronnie S. Mallari, PhD, CESO V Regional Director Concurrent OIC Office of the Schools Division Superintendent ay agad itong lumiham kay Director Cabral kung saan nagkaroon na ng linaw matapos matanggap ang panibagong letter of request para sa school buildings sa Tarlac.
Para sa kaalaman mga Ka Usapang HAUZ ng butihing kalihim ng Edukasyon Sonny Angara ang mga eskuwelahan mula sa Tarlac na labis na nangangailangan ng atensiyon ng DepEp ay ang mga sumusunod, Const. of Estipona National H.S Brgy. Estipona, Pura Tarlac, Const. of 2 storey 10- classroom at Moncada South Central Elem. School Moncada Tarlac.
School buildings sa Cojuangco Elem School, North dist. Paniqui Tarlac, Proposed 2 story 8 classroom building at Balaong National H.S, Const. 3 storey 9 classroom school building in San Julian Elem. School at iba pa.
May panawagan mga Ka Usapang HAUZ ang PTA Tarlac kay Sec. Angara na mainam na bisitahin niya ang mga school rooms sa pampublikong paaralan sa 1st dist ng sa gayon ay maramdaman naman ng kalihim ang tunay na importansiya ng de kalidad na paaralan sa de kalidad na edukasyon.
Sa huli nagpapasalamat ang libo libong bilang ng mga estudyante at magulang pati na rin ang mga guro sa pagkakaroon ng linaw sa matagal na nilang pinapangarap sa de kaledad na pasilidad na magmumula sa tanggapan ng Department of Education Sec. Sonny Angara, pati na rin sa tanggapan ni Dir. Cabral at kay Engr. Marjorie Tiborcio na siyang nagbigay gabay sa ikalilinaw ng nasabing request mula sa PTA Tarlac 1st District.
***
Para sa Inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com o tumawag or mag text sa 09352916036