Advertisers
KINUMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kinansela na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang passport ni dating Congressman Zaldy Co, isa sa iniimbes-tigahan sa umano’y anomalya sa mga flood control projects sa bansa.
Inatasan na rin ng Pangulo ang DFA at Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga embahada upang matiyak na hindi magagamit ni Co ang kanyang pasaporte para umiwas sa kaso.
Kasama sa koordinasyon ang agarang pag-report sakaling magtangkang pumasok si Co sa ibang bansa para maisagawa ang posi-bleng repatriation.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Sarah Discaya matapos itong sumuko kahit wala pang inilalabas na arrest warrant ang korte.
Tiniyak ng Malakanyang na maayos at tuloy-tuloy ang proseso upang panagutin ang mga sangkot sa sabwatan sa mga flood control projects.
Patuloy ang imbestigasyon at paghahain ng kaso upang mabawi ang perang umano’y nawaldas sa mga proyekto ng gobyerno. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)