Advertisers
KINASUHAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 14 lokal na opisyal sa Iloilo City na umano’y nangupit sa ipinamigay na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Isinampa ni Secretary Rex Gatchalian ang mga administratibong reklamo sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes, Disyembre 11.
Ayon sa DSWD, nagsumite ng ulat ang DSWD Western Visayas noong Nobyembre 12, na nagbunyag ng pagbawas ng P8,000 hanggang P9,000 sa AICS pay-out noong Nobyembre 7, 11, at 12. P2,000 lamang umano ang naiwan sa mga benepisyaryo.
“Very consistent ‘yung stories and ‘yung mga indibidwal, hindi sila magkakakilala dahil galing sila sa 16 na barangay at ‘yung kwento nila pare-parehas. ‘Yung mga supposed perpetrators ay mga barangay captains, barangay kagawads, barangay treasurers, barangay appointed officials,” ani Gatchalian.
“Supposedly pagkatapos ng pay-out, pag-uwi ng mga benepisyaryo cinoerce nila ‘yung mga benepisyaryo na kunin ‘yung porsyento nung payout,” dagdag niya.
Ayon pa sa mga biktima, nagsimula na ang pangungupit ng mga opisyal mula pa noong panahon ng pandemya, ngunit maliit lamang ang porsyento ng kinaltas.