Advertisers

Advertisers

Saan kaya magpa-Pasko si Martin?

0 31

Advertisers

LABINGTATLONG (13) tulog nalang, Pasko na, Pilipinas. At habang abala ang marami sa pamimili ng P500 budget pang-Noche Buena, may tanong na hindi mawala-wala sa isip ng bawat Noypi: “Saan kaya magpa-Pasko si dating House Speaker Martin Romualdez?”

Panay ang banta ni Ombudsman “Boying” Remulla na “magpa-Pasko sa kulungan” ang mga sangkot sa flood control scandal. Maingay! Parang may malaking pasabog. Umaasa ata ng palakpakan. Hehehe…

Pero kapag si Martin Romualdez na ang napapag-uusapan, biglang tatahimik, biglang nagiging maingat, biglang may kung anong “due process” na pinag-uusapan na ‘di naman niya ibinibigay sa iba. Mismo!

Kahit pa nakakalula na ang yaman, ebidensya, at malalakas na koneksyon na tumutumbok sa pinto ng dating Speaker, parang ‘di parin sapat kay Ombudsman Remulla na imbestigahan manlang ng maayos si Romualdez. Sa isinagawang WR Advisory Group survey, 23% ng respondents nagsasabing siya ang primary accountable. Malinaw na lumulutang ang kaniyang pangalan.

Alam niyo ba na may mga pangalan nang binura ng ICI sa pagkakasangkot sa flood control scam? Wala kasi talagang matibay na ebidensya laban sa mga ito. Pero bakit patuloy parin silang tina-target ni Remulla? Bakit may “case build-up” pa raw sa mga ito kahit tinuldukan na ng mas maayos at mas credible na proseso ng investigating body? Nagtataktak ba ng lata ang Office of the Ombudsman para lang may ibang mapag-initan at mailihis ang usapan mula sa dapat talagang managot? Hmmm…

Sa ginagawang ito ni Remulla, hindi maikakaila na meron itong kinikilingan, at meron gustong mga pag-initan. Yung dapat sana’y may malamig-lamig na selda ngayong Disyembre, baka mainit-init pa ang lechon nasa mesa nila.

Habang nagtitipid ang pamilyang Pilipino sa manipis na Noche Buena na spaghetti na walang hotdog, hamon na kalahati lang, at queso de bola na singtigas ng mukha ng mga opisyal ng gobyerno, makakasigurado tayong napakasagana ng Pasko ng dating Speaker. Peks man!

***

Grabe naman itong si Davao City Congressman “Pulong” Duterte. Mantakin mong magpaalam sa Kongreso na bibiyahe siya sa 17 bansa sa loob ng dalawang buwan sa 2026. World tour?

Sa panahong ito ng hinihinging mga petsa ng kanyang pag-travel, ito’y kasagsagan ng imbestigasyon sa P51 billion pork barrel na kanyang nakuha sa kanyang unang termino (20-19-2022) bilang kinatawan ng kanyang lungsod, kungsaan huling tatlong taon naman ng termino ng kanyang ama sa Malakanyang.

Tingin ng mga analyst, tatakas si Pulong! Araguy!!!

***

May pasabog na naman si dating Senador Antonio Trillanes. Aniya, bukod kay Sen. “Bato” dela Rosa, may dalawa pang malamang maisyuhan ng ICC arrest warrant kaugnay ng brutal na war on drugs ng nakaraang administrasyon. Ito’y sina Sen. Bong Go at dating PNP Chief Oscar Albayalde.

Si Bong Go, ayon sa “ICC witness” na si dating PCSO GM at dating Police Colonel Royina Garma, ang nagbibigay ng reward sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspects.

Si Garma ay dati umanong “dyowa” ni ex-Pres. Duterte.