Advertisers
KILALA na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babaeng driver na nag-viral sa social media kamakailan nang magpakita ng baril habang nasa loob ng kaniyang sasakyan nang maipit sa mabigat na daloy ng trapiko noong Disyembre 29 sa Cagayan de Oro City.
Batay sa ulat, naganap ang insidente sa nabanggit na petsa sa panulukan ng 8th Street at Hayes Street.
Lulan ng isang pickup truck ang babae nang maganap ang insidente.
Sinabi ng mga awtoridad na patuloy pa nilang inaalam sa Regional Civil Security kung tunay ang baril na nakita sa viral video.
Pahayag ni Police Captain Emilite Simon, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office, karaniwan nagpapakita ng baril ang driver bilang panakot sa mga namamalimos.
Sa kabilang banda, naglabas parin ang Land Transportation Office (LTO) Northern Mindanao ng show cause order laban sa driver at sa nakarehistrong pangalan ng sasakyan. Dahil sa insidente, posible masuspinde o tuluyang bawiin ang lisensiya ng driver. Hindi anito katanggap-tanggap ang paglalabas ng baril sa kalsada, kahit toy gun lamang ito, para manakot.