Advertisers

Advertisers

E-BIKES, E-TRIKES O’ LC

0 9

Advertisers

SA milyong mga Filipino, ang e-bike at e-trikes ay hindi laruan o’ karangyaan. Ito ay isang pangangailangan upang maitawid ang sarili at pamilya sa hirap ng buhay. HINDI ito gaya ng isang LAND CRUISER (LC) na sinasakyan ng karamuhan sa atin na nakararangya sa buhay o’ may katungkulan.

Ang e-bike at e-trikes ay isang kasagutan upang may magamit na abot-kayang sasakyan para tayo ay makarating sa ating mga trabaho, pangdeliver, at kahit panghatid at sundo sa ating mga anak sa kanilang paaralan, upang makaiwas sa pamahal na pamahal na pamasahe at gasolina.

Nitong January 2, 2026, sinimulan na ng Land Transportation Office (LTO), MMDA at mga local traffic unit, ang pagbabawal sa mga e-bikes at e-trikes sa mga tinatawag na ‘major road’ sa Metro Manila. Kabilang dito ang EDSA, C5, Roxas Boulevard, at Quirino Avenue papuntang SLEX. Ang kadahilanan ng “ban” ay siyempre pa sa ngalan ng “road safety.”

Sa ngalan nga ba talaga ng “road safety” o’ pahirap lamang sa mga mahihirap na di makabili ng kotse?

Bakit, noong una pa lamang, ay di sinawata o’ ipinagbawal agad ito, upang mapangasiwaan ang pagdami nito sa lansangan.

Light electric vehicles (LEVs) ang tawag sa mga ito. Tanungin niyo ang sino man sa LTO, MMDA o kahit na local traffic enforcer, paano ba nireregulate ang mga e-bikes, e-trikes o LEVs?

Hindi ba dapat ang may mga papel itong kinakailangan, gaya ng resibo sa pinagbilhan o’ sales invoice, insurance, ay sertipikasyon mula sa Department of Energy?

Sana bago nag-utos ng “ban” ang mga LEVs, inayos muna ang pagrerehistro sa mga ito. Ganun tayo lagi, kapag nakakagaan-gaan na ang buhay ni Juan, lalo itong pahihirapan.

Napakadali para sa mga nag-utos ng ban na ito, kasi mga LC ang gamit nila pihado sa pagtungo sa kanilang mga de air-conditioned na trabaho. Malamang sa alamang, bulletproof pa ang kanilang LC. May driver at security, o back up vehicle na panghawi sa traffic.

NA NYO! Mag-isip nga kayo. Ang e-bike o’ e-trike ni JUAN DELA CRUZ ay kasagutan niya sa mga pahirap sa kanya, gaya ng mataas na presyo ng gasolina, pamasahe, kakulangan ng pampublikong transportasyon at trapik. Di ko pa nga sinasama diyan ang mga JUAN DELA CRUZ na PWD.

TAPOS KAYA IBA-BAN AY PARA PAGKAKITAAN!