Advertisers
PALAISIPAN kung sino ang mamanukin ni BBM sa 2028. Sigurado hindi si Misfit Sara, o Gibo Teodoro. Iiwasan ni BBM na matulad kay GMA na naging lumpong pato (lameduck) ng manukin niya si Gibo noong 2010.
Nagparinig na si Jonvic Remulla, ngunit matamlay si BBM. Hindi rin excited ang publiko kay Jonvic. Bahagyang pinag-usapan. Walang libog. Mistulang utot lang si Jonvic. Tumunog at nangamoy ngunit hindi siya gaanong pinansin.
Hindi natin alam kung sino ang lihim na baraha ni BBM sa 2028. Manukin kaya niya si dating Ispiker Martin Romualdez? May problema pa si Martin. Hindi pa siya lusot sa multibilyong piso flood control scandal.
Wala pang clearance si Martin na magpapatunay na hindi siya sangkot sa isyu. Totoong wala siyang nilagdaan na anumang kasulatan, ngunit hindi ibig sabihin nito ay wala siyang pananagutan. Masyadong malalim ang isyu. Marami pang mangyayari.
Manggaling kaya sa Gabinete ang kandidato ni BBM sa 2028? Maaari, ngunit sino? Kongreso? Hindi namin alam kung may kiliti pa si Senate President Tito Sotto? Nadurog siya noong 2022 ng tumakbong bise ni Ping Lacson. Bukod diyan, masyadong matanda na si Tito kapag tumakbo sa 2028. Otsenta anyos na siya. Ganyan rin si Ping.
Walang pagtibok sa puso si BBM sa alinman sa dalawang Tulfo. Mas lalong wala kay Mark Villar. Bagaman hindi siya nagsasalita ng anuman sa mga Tulfo, hindi siya kinakitaan ng paghanga sa alinman sa dalawa. Walang problema si BBM sa kanyang jowa kaya hindi niya kinokonsulta si Raffy. Baguhan si Erwin at may isyu sa citizenship.
Alam ni BBM na sangkot si Mark Villar sa flood control scam. Ibinunyag ni BBM ang scam. Imposible na piliin niya si Mark dahil lalabas siyang sinungaling at katawa-tawa kapag minanok siya ang isang nilalang na sangkot sa scam na ibinunyag niya.
Mukhang mangangailangan si BBM ng tinatawag na “deep selection.” Manggagaling sa halos kawalan ang kanyang kandidato. Hindi masyadong kilala, ngunit may kakayahan na mamuno sa bansa. Sino kaya siya? Iyan ang palaisipan ngayon.
***
May mga mungkahi na makipag-alyansa si BBM sa demokratikong puwersa at manukin ang alinman kay Risa Hontiveros o Bam Aquino. Kapalit nito ay sa hanay ni BBM nanggaling ang kandidato sa bise presidente ni Risa o Bam.
Kapalit nito ang kasunduan na hindi gagalawin ang mga Marcos sa sandaling matapos ang termino ni BBM. May katwiran pero hindi papayag si BBM na magpailalim sa demokratikong puwersa. Hindi lingid sa kaalamanan ng marami na labis na kinasusuklaman ni BBM ang mga Aquino dahil si Cory Aquino ang nagpatalsik sa kanila sa Malacanang.
Hindi papasok si BBM sa anumang kasunduan na dehado ang kampo niya. Ang tingin namin pipilitin niya na bumuo ng tiket na ilalaban niya kahit wala itong panalo sa 2028. Tanging si Cory at Gongdi lang ang may kandidatong inendoso at nanalo.
Inendoso ni Cory si FVR noong 1998 at nanalo kahit umabot lang sa 23% ng kabuuang boto sa halalan ng 1998 ang bumoto sa kanya. Inendo ni PNoy si Mar Roxas pero si Gongdi ang nanalo noong 2016. Nanalo si BBM noong 2022 dahil inendoso ni Gongdi ng labag sa kanyang kalooban. Mas gusto niya si Sara ang tumakbo sa pangulo pero hindi nangyari.
Marami pang mangyayari at may ilang malaking desisyon na gagawin sa taong ito. Hindi magpatumpik-tumpik ang demokratikong puwersa upang iharap ang kanilang kandidato sa 2028. Walang kandidato na nagpapakipot at ibibitin ang pasya kung tatakbo o hindi. Walang kandidato na hindi alam ang gagawin sa halalan.
Mas may tsansa na manalo ang kandidato ng demokratikong puwersa dahil maiwawasto ang mga pagkakamali noong 2022. Kahanga-hanga ang desisyon ni Leni Robredo na manatili sa Naga City. Huwaran siya sa kadakilaan.
***
MGA PILING SALITA: “It is most regrettable that the United States under Trump has once again regressed into an aggressor state not unlike China, Russia, and Israel. The attack on Venezuela and abduction of President Maduro undermines the rules-based international order, thus setting a terrible precedent of heightened aggression by superpowers. It normalizes Russia’s invasion and continued war on Ukraine, China’s expansionist aggression in the South and East China Seas, and Israel’s genocide on the Palestinian people. It throws the global order back to a barbaric “might makes right” regime, discarding all the progress achieved by the United Nations eighty years after the end of World War 2.” – Rep. Leila de Lima