Advertisers
SUMUKO nitong Miyerkules, January 7, 2026, ang salarin sa pagpaslang at nagtapon sa kinakasama na nilagay sa isang plastic storage box na natagpuang lulutang-lutang sa ilalim ng Pinagwarasan Bridge, Purok 1, Barangay Pinagwarasan, Basud, Camarines Norte noong Enero 2, 2026.
Ayon sa ipinadalang report ni Batangas Police Provincial Office spokesperson Lieutenant Colonel Aleli Buaquen, sumuko sa mga pinagsanib na puwersa ng Rosario Municipal Police Station sa ilalim ni LtColonel Ronnie Siriban, at ng Camarines Norte Provincial Police Office Intelligece Unit sa pamumuno ni LtCol. Paul Demesa Cabug, ang salarin na si Arnel Domingo Jr., 35 anyos, habang ang biktima ay nakilalang si Anelis Agocoy, 38, residente ng Barangay Bura, Catarman, Camiguin.
Nakita sa CCTV footage na isinakay sa bus ng salarin ang bangkay ng biktima sa Turbina, Calamba, Laguna at ibinyahe patungo sa Camarines Norte, at isinakay sa isang tricycle at itinapon sa nasabing tulay sa Bahay ng Basud bago nadiskubre at positibong itinuro ng tricycle driver ang lalaki na nagtapon sa bangkay na agad natukoy ang pagkakakilanlan.
Sa report, selos ang motibo ng salarin sa karumal-dumal na krimen, at nakatakdang i-turn over sa Cabuyao City Police Station sa Laguna para sa karagdagang imbestigasyon.(Koi Laura)