Advertisers
Tiniyak ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na ligtas ang mga pangunahing tulay na dadaanan ng Traslacion ng Poong Itim na Nazareno nang sertipikahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Moreno, naglabas ng sertipikasyon ang DPWH nang humiling ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na inspeksiyon ang mga tulay na kabilang sa ruta ng prusisyon bilang paghahanda para sa Nazareno 2026.
Sa isang press briefing nitong Miyerkules ng umaga, Enero 7, sinabi ni Domagoso na agad niyang ipinag-utos sa City Engineering Office na i-follow up ang kahilingan sa DPWH.
“Napakahalaga nito sa amin bilang pamahalaang lungsod, na masiguro ng pambansang pamahalaan na ligtas tawirin ang ating mga tulay,” ani Moreno.
Batay sa sertipikasyon ng DPWH–National Capital Region, sinuri ang Quezon Bridge, Carlos Palanca Bridge, Ayala Bridge at Arlegui Bridge 1 sa ilalim ng 2025 Road and Bridge Inventory and Assessment. Lahat ng apat na tulay, tinukoy na nasa “fair” condition matapos ang masusing inspeksiyon ng mga inhinyero ng ahensiya.
Ayon pa sa DPWH, maayos at matibay ang mga railings at barricades ng mga tulay, at wala ring nakitang sagabal sa mga daanan ng mga naglalakad na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Inamin ni Moreno na may ilang tulay sa Maynila na kasalukuyang isinasailalim sa pagkukumpuni sa pangangasiwa ng DPWH, nguni’t iginiit na nananatiling katanggap-tanggap ang kondisyon ng mga ito para sa Traslacion.
Sa Quezon Bridge, sinabi ng DPWH na nagpapatuloy ang rehabilitation works, kabilang ang paglalagay ng temporary shoring upang masuportahan ang istruktura habang isinasagawa ang mga pagkukumpuni. Tiniyak ng ahensiya na mahigpit itong binabantayan alinsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan at engineering standards.
Dagdag pa ng DPWH, wala itong pagtutol sa paggamit ng apat na tulay bilang bahagi ng ruta ng Traslacion, basta’t walang papayagang dumaan na mga sasakyan sa buong kahabaan ng mga tulay habang isinasagawa ang prusisyon.
***
Sa mensahe ni Yorme Isko sa isinagawang send-off ng mga puwersang pangseguridad at first responders ay sinabi niya na isang bihira at napakalaking karangalan ang magsilbi sa Traslacion ng Itim na Nazareno nitong Miyerkules, Enero 7.
Idinaos ang troop send-off sa Quirino Grandstand bilang hudyat ng pinal na paghahanda ng lungsod para sa Traslacion sa Enero 9, na inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong deboto.
“Isang malaking karangalan ito. Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataong maglingkod sa mamamayan,” pahayag ni Domagoso sa mga pulis, bumbero, emergency medical teams, disaster response units, at iba pang uniformed at civilian personnel na ide-deploy para sa Traslacion.
Ayon kay Domagoso, patunay ang kanilang deployment ng tiwalang ipinagkakaloob sa kanila upang tiyakin ang kaligtasan ng mga deboto sa isa sa pinakamalalaking taunang pagtitipong panrelihiyon sa buong mundo.
“Habang tayo’y naglilingkod sa mamamayan, bilang kawani ng pamahalaan may obligasyon din kayo sa inyong mga sarili, na pangalagaan ang inyong kaligtasan,” ani Domagoso.
Binigyang-diin ni Isko na mahalaga ring unahin ng mga first responder ang kanilang kalusugan at kapakanan, lalo’t may mga pamilyang naghihintay sa kanilang ligtas na pag-uwi matapos ang tungkulin.
“May mga mahal kayo sa buhay na naghihintay sa inyo, kaya huwag kayong magpapabaya sa inyong sarili,” paalala ni Isko.
Nagpasalamat din si Domagoso kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , sa pagbibigay-daan upang magamit ng Lungsod ng Maynila ang mga logistics at resources ng pambansang pamahalaan para sa Traslacion.
“Sa ngalan ng mamamayan ng Maynila, nagpapasalamat ako sa ating Commander-in-Chief, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pagbibigay ng buong suporta upang matiyak ang isang mataimtim, ligtas, at mapayapang Traslacion 2026,” ani Domagoso.
Dagdag pa ni Domagoso, pagkakataon ang Traslacion upang maipakita ang disiplina, propesyonalismo, at malasakit ng mga lingkod-bayan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.