Advertisers

Advertisers

TAO MAHALAGA PA RIN KAHIT MAY AI — MARCOS

0 60

Advertisers

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng papel ng tao sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

Ginawa ni PBBM ang pahayag sa paglulunsad ng Project Accelerating Governance and Adaptive Pedagogy through Artificial Intelligence (AGAP.AI) ng Department of Education (DepEd) sa Quezon City.

Sa aktibidad na ginanap sa QC Science High School, binigyang-diin ng Pangulo na bagama’t makapangyarihang kasangkapan ang artificial intelligence, nananatiling mahalaga ang disiplina, pagsisikap at pagnanais na matuto ng bawat Pilipino upang makamit ang kaunlaran.

Nag-donate naman ang Office of the President ng dalawang Starlink satellite internet units at isang Smartboard sa Quezon City Science High School.

Ayon kay Marcos, isinusulong ng pamahalaan ang paggamit ng AI hindi bilang kapalit ng kakayahan ng tao kundi bilang katuwang sa pagharap sa mas kumplikadong hamon sa ekonomiya, edukasyon at iba pang sektor.

Sinabi rin ng Pangulo na sa ilalim ng Philippine AI Program Framework, tututok ang bansa sa responsableng pananaliksik at pagpapaunlad ng AI, habang pinaghahandaan ang mga manggagawa at guro sa pamamagitan ng sapat na pagsasanay.

Bilang Chair ng ASEAN, iginiit ni Marcos na isinusulong ng Pilipinas ang isang human-centered AI ecosystem sa rehiyon na inuuna ang kapakanan ng tao sa mahahalagang sektor tulad ng edukasyon, kalusugan at agrikultura. (Gilbert Perdez)