Advertisers
“IPINAPAKILALA ko lang ho sila sa taumbayan, puro mga tiwali ito. Hindi puwede kasing boboto na naman tayo ng mga tiwali.”
Ito ang sagot ni dating senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV sa mga magsasabing sinampahan niyang muli ng patung-patong na kaso sa Office of the Ombudsman si Vice President Sara Duterte dahil nananatiling frontrunner ito sa 2028 presidential elections.
Kasama ang isang civil society group, pinangunahan ni Trillanes ang paghahain sa Ombudsman nitong Miyerkules, Enero 21, ng mga kasong plunder, graft, at malversation laban sa Bise Presidente.
Pinagbasehan sa mga panibagong kaso laban kay VP Sara ang umano’y kuwestiyonableng paggastos niya sa kanyang confidential funds, ang iba’t ibang anomalya sa pondo ng Department of Education (DepEd) noong kalihim pa siya nito, ang pagtanggap umano ng pera mula sa drug lord, at maging ang mga seryosong alegasyon laban sa Bise Presidente na nakadetalye sa affidavit ni Ramil Madriaga.
“‘Pag inakusahan na natin na magnanakaw—ito may ebidensiya ito—tapos ibinoto mo pa rin ‘yung magnanakaw, tapos ‘pag ninakawan ka ng ibinoto mo, eh ‘wag ka magreklamo. Alam mo nang magnanakaw, eh, sinabihan ka na, ibinoto mo parin,” mensahe ni Trillanes sa publiko.
“Hindi lang ito sabi-sabi. Hindi ito paninira, kasi kung paninira hanggang d’yan lang ‘yan sa Facebook. Ito, dinala namin sa Ombudsman,” diin ng dating renegade Navy Captain.