Advertisers
HUMARAP nitong Huwebes sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagsabing sila ay nagsilbing “bagmen” ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Dumating ang grupo sa tanggapan ng NBI 9:40 ng umaga kasama ang kanilang abogado na si Levito Baligod upang tumalima sa subpoena na ipinadala sa kanila.
Hindi pa ipinaliliwanag ni Baligod kung bakit hindi nakadalo ang dalawa pang umano’y dating Marines.
Nauna nang naglabas ng subpoena ang NBI sa humigit-kumulang 25 indibidwal, kabilang ang 18 “dating Marines”, kaugnay ng press conference noong Pebrero 24 kungsaan ipinakilala ni Baligod ang mga ito.
Sa naturang press conference, iginiit ng grupo na nagsilbi silang “bagmen” ni Co at naghatid ng P805 bilyong kickback mula sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Ipinahayag din ni Baligod na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang utak ng naturang scheme at sinabi niyang ipinamahagi ang pondo sa ilang personalidad kabilang sina dating House Speaker Martin Romualdez at Co.
Nauna nang itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyon.