Advertisers
INARESTO ang apat sa walong dismissed police na iniuugnay sa pagnanakaw sa isang retiradong guro sa illegal drug raid noong Agosto noong 2023 sa Imus City, Cavite.
Ayon kay Colonel Ariel Red, direktor ng Cavite Police, kinilala ang mga dinakip na sina Staff Sergeant Jesus Alday alyas Jesus; Julius Barbon alyas Julius; Corporals Jenerald Cadiang alyas Jenerald, at Lew Amando Antonio alyas Lew, pawang miyembro ng Intelligence Unit ng Imus City Police Station.
Inaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng warrant section sa Brgy. Malagasang 2C, Imus City noong Lunes 4:30 ng hapon matapos ang dalawang taon na pagtatago.
Itinala ang mga akusado bilang Regional Level Most Wanted Persons at isinailalim sila sa pinaigting na manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng lokal na pulisya at mga operatiba mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Cavite nang magtago sa iba’t- ibang lugar sa rehiyon ng Calabarzon.
Dagdag ni Red, unang humarap at sumuko sa Office of the Mayor ng Imus ang mga akusado bago ihinain ng mga operatiba ng pulisya ang iba’t-ibang warrant of arrest laban sa mga akusado.
Kinasuhan ang mga akusado ng planting of evidence, violation of article 171 of RPC, Robbery by the use of Force upon things, perjury, violation of Domicile at unlawful arrest base sa reklamong inihain ng retiradong guro na si Rebecca Caoile, kasama si dating National Police Commission (Napolcom)-Calabarzon director Owen de Luna bilang nominal complainant.
Dalawang iba pang akusado na pulis, Staff Master Sergeant alyas Diones at Patrolman Mendoza, ay nananatiling nakalalaya habang ang kasama pa nilang si Staff Sergeant Buna, na iniulat na nasawi dahil sa hindi matukoy na dahilan ng kanyang pagkamatay, ani Caoile sa telepono.
Sinabi ni De Luna, isa sa walong dismissed na pulis na si Patrolman Reymel Reyes ay nasentensyahan ng mahigit apat na taon na pagkakulong dahil sa puwersahang pagpasok at pagnanakaw na nauwi sa ‘trespassing’ sa tirahan ni Caoile sa follow-up drug operation sa Brgy. Alipan 1-A, Imus City noong Agosto 2, 2023.