Advertisers
NASA malubhang kalagayan ang 43-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) nang pagbabarilin ng fish vendor nang magkainitan sa pagtatalo sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento,10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Area 4, Pinalagad, Barangay Malinta, Valenzuela City nang makainitan sa pagtatalo nang mangulit umano ang biktima habang nasa impluwensya ng alak.
Nagalit umano ang 37-anyos na suspek hanggang sa bumunot ng baril at dalawang beses na pinutukan sa tiyan at isa kanang braso ang biktima bago mabilis na tumakas dala ang ginamit na baril.
Isinugod naman ang biktima sa pinakamalapit na ospital kung saan siya patuloy na inoobserbahan habang kaagad namang nagsagawa ng follow up imbestigasyon ang pulisya kung saan natukoy ang pagkakilanlan nito sa tulong ng CCTV footage sa lugar.
Samantala, isang concerned citizen ang nag-ulat sa mga tauhan ng Cubao Police Station, Quezon City Police District, na nagpapatrulya sa Harvard Street, Cubao, Quezon City hinggil sa isang pasaherong lalaki na papuntang Samar nang marinig niya ang sinabi ng lalaki sa katabing pasahero na may binaril siya sa Valenzuela na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek 4:30 ng madaling araw.
Positibong kinilala ng biktima ang naarestong suspek na siyang bumaril sa kanya habang narekober naman nina Police Captain Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), sa bahay ng suspek ang hindi lisensiyadong kalibre .22 na kargado ng limang basyo at isang bala sa chamber na ginamit sa pamamaril.
Mahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).(Beth Samson)