Advertisers
Ni Anne Venancio
Sa hectic ng schedule sa showbiz, madalas naisantabi ang pag-aaral. Ngunit para sa ilang kilalang personalidad, nanatiling mahalaga ang pangarap na makatapos ng kolehiyo kahit gaano pa ito katagal abutin.
Isa si Gloc-9 sa mga halimbawa nito. Nagtapos siya ng Nursing sa STI College Fairview noong 2010 sa edad na 32. Bagama’t pinili niya ang musika, sinabi niyang mahalaga ang natapos na kurso at bahagi ito ng kanyang pagkatao.
Si Ejay Falcon naman ay nagtapos ng Political Science major in Local Governance sa University of Makati noong 2024 sa edad na 33, matapos ang mahabang panahon mula nang una siyang huminto sa pag-aaral dahil sa showbiz at iba pang responsibilidad.
Para kay Dingdong Dantes, nakapagtapos siya ng Business Administration major in Marketing sa West Negros University noong 2014. Sa kabila ng abalang karera, itinuring niya itong mahalagang tagumpay at patunay ng tiyaga.
Nagtapos din si Jhong Hilario bilang Magna Cum Laude sa Political Science noong 2023 sa edad na 46, at kalaunan ay natapos din ang Master’s Degree in Public Administration habang patuloy na nagtatrabaho sa iba’t ibang tungkulin.
Samantala, si Baron Geisler ay nagtapos ng Theology noong 2022 sa edad na 39, na inilarawan niyang mahalagang yugto ng pagbabago sa kanyang buhay.
Sa kabila ng tagumpay sa kani-kanilang karera, pinatutunayan ng mga ito na hindi hadlang ang edad o oras para makamit ang edukasyon.