Advertisers
Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ang “Mobile Botika,” na direktang nagdadala ng mga mahahalagang gamot at serbisyo sa mga residente sa 16 na barangay.
Sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez na ang programa, sa ilalim ng pangunahing inisyatibo ng lungsod na “Alagang Parañaque,” ay naglalayong mapabuti ang access sa abot-kayang gamot lalo na sa mga komunidad na kulang sa serbisyo.
Binanggit ni Olivarez na ang Mobile Botika ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaang lungsod na palakasin ang paghahatid ng pangunahing pangangalagang
pangkalusugan sa antas ng mamamayan.
Sinabi niya na ang mobile unit ay maglalakbay sa iba’t ibang barangay,
susuportahan ang mga umiiral na health center, at sisiguraduhin na hindi na kailangang maglakbay nang malayo ang mga residente para ma-access ang mga pangunahing gamot at serbisyong pangkalusugan.
Kasama rin sa inisyatibo ang programang Yakap, para sa vulnerable sectors na kinakailangang kumuha ng e-prescriptions para makakuha ng libreng gamot.
SP NG PARAÑAQUE IPINASA ANG ORDINANSANG “RIGHT TO CARE”
Samantala ipinasa na sa ikatlong pagbasa ng Sangguniang Panlungsod ng Parañaque ang “Right to Care Ordinance” na naglalayong tiyakin ang karapatan ng bawat pasyente na makapagtalaga ng health care proxy, isang pinagkakatiwalaang indibidwal na maaaring gumawa ng mahahalagang desisyong medikal para sa kanya sakaling hindi na niya ito kayang gawin.
Sa ilalim ng ordinansa, kikilalanin ng mga ospital, klinika, at iba pang medical institutions ang mga itinalagang proxy kahit hindi ito kaanak ng pasyente.
Malaking tulong ito lalo na sa LGBTQ+ couples, unmarried partners, at mga nasa non-traditional households na kadalasang nahaharap sa diskriminasyon o hindi pagkilala sa oras ng medical emergencies.
May kaukulang parusa ang mga lalabag sa ordinansa, kabilang ang multang hanggang ?5,000, pagkakakulong ng hanggang anim na buwan, o posibleng pagbawi ng business permit.
Sa pagpapatupad nito, pangatlo na ang Parañaque sa Metro Manila na may ganitong ordinansa, kasunod ng Quezon City at San Juan City, bilang hakbang tungo sa mas inklusibo at makataong serbisyong pangkalusugan.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com