Advertisers
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagtutulungan ng ASEAN upang mapanatili ang seguridad sa pagkain sa gitna ng umiiral na pandaigdigang krisis.
Sinabi ng Pangulo na mabilis na naapektuhan ng pagsasara ng Strait of Hormuz ang presyo at suplay ng pagkain, lalo na ang fertilizers na mahalaga sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Marcos, kinakailangang palakasin ng ASEAN ang intra-ASEAN trade at palawakin ang kapasidad ng bawat bansa upang mapatatag ang kanilang food systems.
Binigyang-diin din niya ang papel ng digital innovation upang maagapan ang kakulangan sa suplay at mapataas ang agricultural productivity sa rehiyon.
Aniya, makatutulong ang teknolohiya sa mas mabilis at epektibong pagdedesisyon lalo na para sa mga komunidad na higit na apektado ng krisis.
Dagdag pa ng Pangulo, mahalagang matiyak na mapoprotektahan ang kapakanan ng mamamayan laban sa tumataas na presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Giit pa ni PBBM, inaasahan ng bansa ang pagpapatibay ng ASEAN Leaders’ Declaration on Maritime Cooperation.
Kabilang sa panukala ng Pilipinas ang pagtatatag ng ASEAN Maritime Centre na magsisilbing mahalagang plataporma para sa mas malawak na kooperasyon sa usaping pandagat. (Gilbert Perdez)