Advertisers
UMAKYAT na sa pito ang bilang ng mga nasawi sa gumuhong itinatayong gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga nitong Linggo, Mayo 31.
Ayon sa Angeles City Information Office, iniulat ng Unified Command na 7:50 ng umaga nang narekober ng search and retrieval team ang katawan ng isang lalaki sa bahagi ng Quadrant 2.
Isinailalim sa maingat na pag-tag at dokumentasyon ng City Health Office ang labi upang matiyak ang tamang pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, may natagpuan ding vaccination card sa lugar na may pangalang posibleng makatulong sa pagkilala sa biktima.
Gayunman, sumasailalim pa ito sa beripikasyon at ituturing lamang na opisyal na pagkakakilanlan kapag kumpleto na ang proseso.
Patuloy ang search and rescue, retrieval, at clearing operations ng Unified Command sa lugar habang hina-hanap ang iba pang posibleng biktima sa ilalim ng guho.
Tiniyak din ng pamahalaang lungsod ang patuloy na pagbibigay ng suporta at tulong sa mga pamilya ng mga naapektuhan ng insidente.