Advertisers

Advertisers

EDUKASYON, PANGUNAHING PRAYORIDAD NI MAYOR DOY LEACHON PARA SA MGA CALAPEÑO

0 15

Advertisers

Pormal nang nai-turnover kamakailan sa pamahalaang panlungsod ng Calapan, noong Martes, May 19, ang 14 na proyektong school buildings na layuning tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa lungsod.

Opisyal ng nai-turnover kasunod ang paglagda sa isang supplemental Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Pamahalaang Panlungsod ng Calapan sa pamumuno ni Mayor Doy Leachon.

Nauna nang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangangailangan na mapabuti ang kondisyon ng mga mag-aaral sa bansa, gayong kulang na kulang pa rin ang mga silid-aralan sa lugar.

Sa kabuuang 14 na proyektong school buildings, 9 na dalawang-palapag na paaralan ang sabay na popondohan ni Senador Sherwin Gatchalian at ni DepEd Secretary Sonny Angara, 4 ang kay Oriental Mindoro First District Congressman Arnan C. Panaligan, at 1 naman kay United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Magsaysay.

Inaasahang makatutulong ang pagtatayo ng mga bagong gusali upang maibsan ang kakulangan ng mga silid-aralan at mapabuti ang kondisyon ng pag-aaral ng mga estudyante sa Calapan City.

Matatandaang noong unang termino ni Mayor Doy bilang alkalde ng Calapan ay nabuo ang konsepto ng pagkakaroon ng City College isang hakbang upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap ngunit masisipag na estudyante na makapagpatuloy sa kolehiyo kahit kapos sa buhay.

Patunay lamang ito na sa kanyang pagbabalik bilang alkalde ng lungsod, pangunahing prayoridad pa rin ni Mayor Doy ang edukasyon, lalo na para sa mga pamilyang walang sapat na kakayahang pag-aralin ang kanilang mga anak.

“Naniniwala tayo na ang edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan. Kaya hangga’t may paraan, gagawa tayo ng hakbang upang walang batang Calapeño ang mapag-iwanan dahil lamang sa kahirapan”, sabi ni Mayor Doy.

Nagpasalamat din si Mayor Doy sa suporta ng pambansang pamahalaan at nina Senador Sherwin Gatchalian, Oriental Mindoro 1st district Congressman Arnan C. Panaligan at United Senior Partylist Rep. Milagros Magsaysay na tumulong upang maisakatuparan ang mga bagong school building projects na makakatulong sa pagresolba ng kakulangan sa mga silid-aralan sa lungsod.

Buong suporta rin ang ipinahayag ni Calapan City Vice Mayor Bim Ignacio at ng Sangguniang Panlungsod sa mga programang pang edukasyon at iba pang proyektong pangkaunlaran na direktang makikinabang ang mga residente ng Calapan.

Sa ilalim ng Aksyon Agad, patuloy na umaarangkada ang mga proyekto at serbisyong nagpapakita ng malasakit at tunay na pagmamahal sa bawat Calapeño.

***

Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09368625001/09397177977 o di kaya mag-email balyador69@gmail.com