Advertisers
TAHASANG pinabulaanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga ulat na umano’y nakatanggap ng espesyal na pagtrato ang contractor na si Curlee Discaya matapos itong arestuhin kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Remulla na walang katotohanan ang mga alegasyong pinoprotektahan si Discaya dahil sa umano’y koneksyon nito sa mga makapangyarihang personalidad sa politika.
Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na tulad ng ibang detainees, ilalagay si Discaya sa regular na detention facility.
Ipinaliwanag din ni Remulla na nasa hukuman ang kapangyarihang magpasya kung saan ilalagak ang isang akusado habang dinidinig ang kaso nito.
Samantala, sinabi rin ng DILG chief na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y flood control scam at inaasahan pa ang pagkakaaresto ng iba pang sangkot sa operasyon.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng kalihim na siyam na sa labing-isang indibidwal na nahaharap sa kaso ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad.
Matatandaang nauna nang naaresto ang asawa ni Curlee na si Sarah Discaya, na kasalukuyang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail sa Cebu.
Matatandaang si Curlee Discaya ay siyam na buwan nang nasa kustodiya ng Senado matapos ipa-contempt noong Setyembre 2025 sa serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee bago siya muling arestuhin kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya.