Advertisers

Advertisers

REKLAMONG GRAVE ORAL DEFAMATION LABAN SA “MALETA BOYS,” ISINAMPA NI SEN. ERWIN TULFO

0 4

Advertisers

NAGHAIN ng reklamong grave oral defamation si Senador Erwin Tulfo sa Pasay City Regional Trial Court nitong Lunes, Hunyo 8, laban sa tatlo sa 18 na tinaguriang “Maleta Boys”, na nagpapakilalang mga dating tauhan at bodyguard ni dating Congressman Zaldy Co.

Ang paghaharap ng kaso ay nag-uugat sa matitinding paratang ng nasabing mga indibidwal laban sa senador sa mga nakaraang pagharap nila sa publiko na nagdala umano sila ng maletang pera kay Tulfo. Mariin itong pinabulaanan ng Senador at layon umano ng pagsasampa niya ng kaso na papanagutin ang mga ito sa kanilang paninirang-puri at paglapastangan sa kanyang pagkatao.

Kasama ni Tulfo ang kanyang abogado nang magtungo sa korte upang ipagharap ng kaso sina Bernard Gumban, Rosebert Waupan at Benny Bulontate. Nag-ugat ang kaso sa umano’y pag-ugnay ng mga ito sa kanya sa ‘kickback scheme’ na nauugnay naman sa maanomalyang flood control project, bukod pa sa panibagong bintang na human trafficking.

Tinawag ni Tulfo na isang tahasang kasinungalingan ang mga nasabing akusasyon na ang tanging layunin ay sirain ang kanyang reputasyon.

Ani Tulfo, nagsimula ang mga paninira dahil sa mga naglulutangang survey kung saan pinakikita silang magkapatid na Senador bilang mga nangungunang pipiliin ng taumbayan bilang kandidato sa pagka-Pangulo o Bise Presidente sa darating na halalan.

Kaugnay niyan ay muling inihayag ni Tulfo na wala silang balak tumakbo sa mga nasabing posisyon at nakiusap ulit sa mga nagsasagawa ng nasabing survey na huwag nang isama ang kanilang mga pangalan at sa halip ay isama ang mga pangalan ng mga pulitikong hayagan nang nagdeklara ng pagnanais na tumakbo sa mga nasabing posisyon. (JERRY S. TAN)