Advertisers
NALUNGKOT si Tito Sotto at Ping Lacson sa balita na may namumuong daluyong sa katatagan ng bansa. Dati na silang banta ngunit sa pakiwari ni Tito at Ping, kahit hindi nila mapapataob ang bansa dahil wala silang suporta sa mga nasa laylayan ng lipunan, nananatili silang panganib dahil nagsama-sama ang mga naiwanang sektor ng bansa.
Sila ang mga pinagsama-samang armadong grupo ng kulto at mga pulitikong nawalan ng poder at impluwensiya sa administrasyon ni BBM. May plano ang mga pinagsama-samang grupo na humataw sa Biyernes, o Araw ng Kalayaan. Ayon sa ulat, gagawa sila ng gulo at kasama sa plano ang kubkubin ang Senado, ang institusyon na kasalukuyang nahahati sa dalawang paksyon. Pinag-ibayo ng Senado ang seguridad batay sa ulat ng kaguluhan.
Hindi malinaw kung ano ang gulo ngunit nahihinuha na kasama ang pagsunog sa mga papeles ng isinumite sa Senado ng Camara de Representante kaugnay sa paglilitis ni Misfit Sara. Kasama ang pagdakip sa mga senador na isinusulong ang impeachment. Kampi sila kay Misfit Sara. May basehan ang paniwala sa galing kay Misfit ang pondo nila. May bilyon-bilyong piso si Misfit Sara at iba mangusap ang bilyon pisong salapi.
Kasama ang paglabas sa kalsada ng mga kasapi ng kulto upang magkaroon ng impresyon na may namuong people power sa galawang pulitika. Hindi namin alam kung paano sasalagin ng Senado ang kanilang plano, ngunit hindi ako magtataka na may kaukulang pag-iingat dahil maaaring hindi sila gagalaw sa Biyernes kundi sa ibang araw.
Walang kasaysayan ng karahasan ang iba’t-ibang relihiyon sa bansa kahit mayroon alinlangan ang bawat isa. Ngunit malinaw na hindi tinatanggap ang kulto dahil sa kakaiba at kakatwang paniniwala na “tanging sila lang maliligtas sa kabilang buhay.” Hindi masyadong sineryoso sa kanilang baluktot na paniwala bagaman sila ang tampulan ng mga masakit na biro.
Maraming armas na nakalap at naitago ang kulto bagaman may kasapian ito na tinatayang nasa pagitan ng isa o dalawang milyon lang, o hindi lalampas sa 2.0% ng populasyon ng Filipinas na abot sa 120 milyon sa kasalukuyan. Hindi sila dumadami. Bagkus, marami ang tumiwalag dahil sa away ng pamilya na kumokontrol sa kulto mahigit isang dekada na ang nakaraan.
Hindi masyadong mabigat ang banta ng mga pinagsamang grupo bagaman may pananaw na nagbibigay ito ng hindi magandang imahe sa bansa sa international community. Maapektuhan rin ang kumpiyansa sa negosyo. Matatakot ang mga mamumuhunan na ibuhos ang kanilang salapi sa bansa. Business confidence ang isyu.
***
NAGSAWA kami sa mga walang katuturang taghoy ni Alan Peter Cawatano. Hayaan ninyo na pagtuunan namin ng pansin ang hindi naipaliwanag na yaman ni Misfit Sara. Isa ito sa apat na punto ng Articles of Impeachment na isinumite ng Camara sa Senado bilang impeachment court. Isa itong paksa sa paglilitis na kasalukuyang inihahanda ng Senado bilang hukuman at pangkat ng mga taga-usig mula sa Camara.
“From the AMLC (Anti-Money Laundering Council) records, there are quite a number of deposits to her (bank) account, which apparently were not reflected in her SALN (statement of assets, liabilities and net worth),” ayon kay Kin. Zia Alonto Adiong ang tagapagsalita ng pangkat ng mga taga-usig mula sa Camara. Kasama sa mga punto ang kabiguan ng ideklara ni Misfit Sara ang “cash on hand” sa kanyang SALNs.
“From 2019, up to the present, wala siyang cash on hand, which does not coincide with the AMLC reports. And so these are things for the public to easily understand,” ani Adiong. “Because how come, during your tenure as mayor of Davao City, you were able to submit completely your SALN, and then later on, when you became Vice President, suddenly, it did not reflect in your SALN the cash on hand?” aniya.
“So there are inconsistencies. Not only inconsistency, but the public deserves to know the full detail of this,” ani Adiong. Batay sa AMLC report isinumite sa House Committee on Justice, may nakilalang pinagsamang halaga ng P6.7 bilyon sa “covered” at “suspicious” transactions na ginawa ni Misfit at asawa sa 20 taon mula nang siya ang bise alkalde ng Davao City.
Sa halagang iyon, nasa P4.4 bilyon ang nasa anyo ng “inflows,” samantalang abot sa P1.5 bilyon ang “outflows.” Sa tingin ng mga taga-usig ng Camara, abot sa P2.8-2.9 bilyon sa kanilang bank accounts na hindi nakalagay sa SALNs ni Misfit Sara.
***
BAGAMAN natapos ang termino ni Robert Ace Barbers bilang kinatawan ng Surigao del Norte, nanatili siyang aktibo upang ipahayag ang kanyang obserbasyon sa pulitika ng bansa. Bilang isang tagamatyag, inamin ni Ace na isang malinaw na tangka na iligaw ang atensyon ng madla ang paglantad ng 18 Maleta Boys upang ipahamak ang ilang mambabatas at sibilyan na kontra kay Misfit Sara.
May kaugnayan ito sa impeachment trial ni Misfit Sara na kasalukuyang binabalangkas ang mekanismo. Ayaw mag-umpisa ng ilang kontra ang paglilitis dahil alam nila na mahihirapan si Misfit na ipagtanggol ang kanilang sarili. “Diversionary tactic” lang ang paglabas ng mga Maleta Boys dahil malapit na ang paglilitis sa Hulyo, aniya. Hiningi ni Ace sa sambayanan na matyagan mabuti ang galawan sa impeachment trial.
***
KUNG siya ang masusunod, dapat maglabas ang gobyerno ng hindi bababa sa P20 milyon bilang pabuya sa sinuman na magbibigay ng impormasyon upang madakip sa pinakamadaling panahon ang puganteng senador na si Bato dela Rosa. Ito ang rekomendasyon ni Sonny Trillanes. Dapat maglabas ang DILG na ganyang halaga, aniya.