Advertisers
Naaresto ng mga tauhan ng City Mobile Force Company bilang lead unit at Presinto Uno ng Santiago City Police Office ang isang employer matapos isilbi ang Warrant of Arrest nito sa Magsaysay St., Victory Sur, Santiago City.
Dinakip ang nasabing employeri nang ipag-utos ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 36, Santiago City dahil sa dalawang kasong kriminal bilang Criminal Case Numbers 15680 at 15681.
Para ito sa paglabag sa kasong Sections 18 and 19 in relation to Section 28(E) ng Social Security Act of 1997 (RA 8282) na inamyendahan ng RA 11199 at Section 24(D) in relation to Section 28(E) ng RA 11199.
Ang mga nasabing probisyon may kinalaman sa obligasyon ng isang employer o indibidwal sa pagbabayad at pagsusumite ng kontribusyon sa Social Security System (SSS), at ang kabiguang gawin ito ay nagreresulta sa pananagutang kriminal.
Inirekomenda ng korte ang pansamantalang pagbabayad ng piyansa sa halagang P72,000.00 bawat kaso.
Kabilang ang nasabing indibidwal sa talaan ng E-warrant system, at ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa TIP No. I-2025-14-PRO2-SCPO-CMFC, na bahagi ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted persons.
Bago pormal na dalhin ang indibidwal sa istasyon, ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine, kabilang ang karapatang tumahimik at karapatang magkaroon ng abogado.
Nananatili siyang nasa kustodiya ng Presinto Uno habang hinihintay ang pormal na turnover sa korte na naglabas ng warrant.
Patuloy namang pinaiigting ng Santiago City Police ang kanilang kampanya laban sa mga wanted persons bilang bahagi ng kanilang mandato na tiyakin ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa komunidad. (Fidel Coloma)