Advertisers

Advertisers

ISKO-CHI TANDEM ‘DI PAASA: P40M APRUB PARA SA PABAHAY NG MAYHALIGUE

0 5

Advertisers

Mabilis na inaprubahan ng ika-13 Konseho ng Lungsod ng Maynila ang P40-milyong pondo bilang legal deposit para sa pagsasampa ng expropriation proceedings sa mga pribadong lupain sa Mayhaligue, District 2, alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na mabigyan ng permanente at disenteng pabahay ang mga residente at biktima ng sunog sa lugar.
Ang pondong nakapaloob sa Ordinansa Blg. 9192, naipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa noong Hunyo 8, sa mismong araw na ito ay inihain. Pinamunuan ni Vice Mayor at Presiding Officer Chi Atienza ang sesyon kung saan nagkaisang inaprubahan ng mga konsehal ang panukala matapos ang pagpupulong ng alkalde sa komunidad ng Mayhaligue.
Ayon sa City Council, ang ordinansa ay magsisilbing unang hakbang upang maisulong ang pagkuha ng lupa sa pamamagitan ng ekspropriasyon para sa kapakinabangan ng mga matagal nang residente at mga pamilyang naapektuhan ng sunog na nahaharap sa banta ng pagpapaalis sa kanilang mga tirahan.
Inakda ang panukala nina Councilors Darwin “Awi” Sia, Edward Tan, John Christopher “Bolong” Sy, at Raymundo “Mon” Yupangco.
Sa kanyang pahayag sa konseho, binigyang-diin ni Sia ang hirap na dinaranas ng mga residente na nanganganib mawalan ng tahanan matapos ang maraming dekadang paninirahan sa lugar.
“Napakahirap pong ma-gibaan lalo na kung dekada-dekada nang nakatira ang mga pamilya sa kanilang mga bahay. Kaya humihingi po tayo ng suporta para sa ordinansang ito,” ani Sia.
Samantala, sinabi ni Atienza na ang agarang pag-apruba sa pondo ay bunga ng mabilis na aksyon ng kasalukuyang administrasyon matapos umanong mabatid na hindi naisakatuparan ng nakaraang pamahalaang lungsod ang naunang planong ekspropriasyon.
Ayon sa bise alkalde, umasa ang mga residente ng Mayhaligue sa naunang ordinansa na nangakong maisusulong ang pagkuha ng lupa para sa kanila, subalit natuklasang hindi ito nabigyan ng kinakailangang pondo.
“Nangako ang ating alkalde na gagawin niya ang lahat upang maibalik ang property sa mga taga-Mayhaligue. Ang appropriation ordinance na ito ang magsisilbing paghahanda upang maisakatuparan ang pangakong iyon,” ani Atienza.
Idinagdag pa niya na ipinakita ng konseho ang mabilis na pagtugon sa direktiba ng alkalde upang maihatid ang kinakailangang tulong sa komunidad.
Sa pamamagitan ng bagong ordinansa, umaasa ang pamahalaang lungsod na tuluyang mabigyan ng katiyakan sa paninirahan ang mga residente ng Mayhaligue at matuldukan na ang matagal na nilang pangamba hinggil sa kanilang mga tahanan.
Ayon sa City Hall, ang hakbang ay patunay ng layunin ng administrasyong Domagoso na maghatid ng kongkreto at agarang solusyon sa mga suliraning kinahaharap ng mga Manileño.(BP)