P62.5M subsidy sa PLM ipinamahagi ni Mayo Isko habang umabot na sa P301.25M ang kabuuang naibigay sa unang taon ng ‘Bilis Kilos 2.0’
Advertisers
Nag-turnover si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ng tseke na nagkakahalaga ng P62.5 milyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM nitong Martes ng umaga, June 9, bilang pondo ng unibersidad para sa ikalawang quarter ng 2026.
Tinanggap ang tseke ni PLM President Atty. Domingo “Sonny” Reyes Jr. sa turnover ceremony.
Dahil sa pag-release na ito, umabot na sa P301.25 milyon ang kabuuang subsidy naibigay sa PLM sa unang taon ng ikalawang termino ni Mayor Domagoso.
Patunay ito ng patuloy na pag-usad ng pagsisikap ng pamahalaang lungsod na ibalik ang regular at sapat na pondo sa PLM, na dati nang nagsabing nahihirapan sa pananalapi dahil sa naantala at kulang na subsidy mula sa nakaraang administrasyon.
Bago pa ang unang termino ni Domagoso, P250 milyon kada taon ang subsidy ng PLM. Itinaas niya ito sa P360 milyon – pero ibinaba naman sa P210 milyon ng sumunod na administrasyon.
Noong Pebrero 2026, nag-groundbreaking ang lungsod para sa PLM College of Allied Health Sciences Building sa loob ng Ospital ng Maynila Medical Center complex. Proyektong suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ito.
Ayon kay Domagoso, papayagan ng bagong gusali ang PLM na palawakin ang hospital-based training para sa mga doktor, nurse, at allied health professionals – at palakihin ang kapasidad ng unibersidad sa pagtanggap ng estudyante mula 300 hanggang 5,000 kada taon.
Matagal nang kilala ang PLM sa magandang performance sa licensure exams. Kabilang ang College of Medicine nito sa mga nangunguna sa bansa, habang ang Nursing at Physical Therapy programs ay nakapagtala ng halos perpektong passing rates at maraming topnotchers sa national exams. (Jocelyn Domenden)