Advertisers
Nang umupo si Brig. Gen. Melecio M. Buslig Jr. bilang bagong District Director ng Eastern Police District (EPD) nitong Hunyo 1, 2026, pangako niya sa mamamayan na nasa area of responsibility ng pulisya na ipinagkatiwala sa kanya, ay “Serbisyong Mabilis” sa ilalim ng programang “SHIELD”.
Ang mga ganitong pahayag ay madalas na ipinagwawalang-bahala ng mga mapunahin – ‘ika nga nila ay gasgas na ang mga linyang ito at naririnig sa tuwing may bagong upong opisyal.
Tama ang puna ng mga kritiko sa ganitong uring linya – paano kasi, nagiging palamuti at papogi lamang ito sa talumpati ng bagong upong opisyal.
Pero ano pa man, huwag agad na husgahin ang mga pahayag ni Buslig dahil ang pagbuwag sa isang multi-city carnapping ring sa loob ng kulang sa isang araw ay ang uri ng mapagpasiyang aksyon na nagbabalik sa tiwala ng taumbayan.
Ang mga krimen sa kalye tulad ng pagnanakaw ng motorsiklo at panloloob gamit ang armas ay hindi lamang nagdudulot ng pinansyal na kalugian at sa halip ay ninanakawan din nito ang mga ordinaryong mamamayan (tulad ng estudyante sa Marikina) ng kanilang kapayapaan ng isip at kalayaan sa ligtas na pagbiyahe.
Ngayon sa pamumuno ni Buslig, pinatunayan ng EPD na kapag pinagsama ang teknolohiya at mabilis na koordinasyon, nawawalan ng mapagtataguan ang mga masasamang elemento.
Kung ganito ang panananaw para sa pangmatagalang kampanya ng bagong pinuno ng EPD, malamang na mas magiging mahimbing ang tulog ng mga residente sa silangang bahagi ng Metro Manila gabi-gabi.
Kaya ang kongkretong pagpapatupad ng kampanya laban sa krimen sa ilalim ng programang SHIELD ay direktang humantong sa pagkaaresto ng walong notoryus na carnapper at sa tuluyang pagkabuwsag ng sindikato na kumikilos sa mga hangganan ng Metro Manila at Rizal.
Paano ba naaresto ang mga salarin at pagkabuwag ng sindikato? Nagsimula ang operasyon sa madaling-araw ong Hunyo 5, nang ang isang 20-anyos na estudyante ay hinarang at ninakawan ng motorsiklong Honda PCX at iPhone 16 Pro Max ng mga armadong lalaking naka-helmet sa Marikina City.
Nang makarating sa kaalaman ni Buslig ang insidente, agad siyang nagbaba ng direktiba sa Marikina Police na aksyonan agad ang kaso – ang maaresto ang mga suspek, marekober ang sasakyan at tuluyang mabuwag ang sindikato.
Makaraan, agad na pinalakas ng EPD ang kanilang tactical web. Gamit ang GPS tracking signal ng ninakaw na telepono ng biktima, natunton ng Marikina Police Anti-Carnapping Unit ang lokasyon nito sa Recomville 2, Caloocan City.
Agad na nakipag-ugnayan ang EPD intelligence teams kabilang dito ang Marikina Police, sa Caloocan police para sa isang agarang pag-intercept o pagharang sa grupo.
Nang tawagan ng mga pulis ang numero ng biktima, tumunog ito mismo sa loob ng belt bag ng isa suspek sa Caloocan City, na naging dahilan ng kanyang mabilis na pagkaaresto.
Sa pagsisiyasat, mabilis na nailatag ang network ng sindikato – kaya sa mga sumunod na operasyon sa Taytay (Rizal), Pasig, at Taguig, nagresulta ito sa pagkahuli sa pito pang suspek, kabilang ang isang menor de edad. Nakarekober din ang pulisya ang siyam pang nakaw na sasakyan at dalawang baril na walang lisensya.
Tiniyak naman ni Buslig na hindi makakalusot sa batas ang mga nahuling suspek. Ang walong salarin ay kasalukuyang nakaditene sa Male Custodial Facility ng Marikina City Police Station. Kinasuhan ang mga ito ng paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 (RA 10883) at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591).
Sa pagkabuwag ng sindikato sa loob ilang oras o wala pang 24-oras, malinaw ang mensaheng hatid ng koponan ni Heneral Buslig – sa ilalim ng kampanyang SHIELD, ang mabilis na serbisyo ay hindi lamang slogan—ito ay isang realidad.