Advertisers

Advertisers

ARTA Recognition: Bunga ng Malinis at Makabagong Customs

0 7

Advertisers

Sa panahon na patuloy na hinahamon ang mga ahensya ng gobyerno na maging mas episyente, mabilis, at tapat sa kanilang serbisyo, isang mahalagang pagkilala ang natanggap kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) mula sa Anti-Red Tape Authority (ARTA). Ang pagkilalang ito ay hindi lamang parangal para sa isang ahensya, kundi patunay na ang mga repormang isinusulong sa pamahalaan ay nagbubunga ng positibong resulta.

Sa isinagawang Philippine Good Regulatory Principles Recognition and Awards Program (PGRP-RAP) bilang bahagi ng Ease of Doing Business Month Celebration, kinilala ang BOC dahil sa matagumpay nitong pagpapatupad ng 10 Philippine Good Regulatory Principles.

Ang naturang pagkilala ay bunga ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na isulong ang transparency, accountability, at makabagong pamamahala sa ilalim ng administrasyon ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Hindi naging madali ang paglalakbay ng Bureau of Customs. Sa loob ng maraming taon, naging sentro ito ng iba’t ibang hamon at puna mula sa publiko.

Ngunit sa kasalukuyang pamunuan, malinaw ang layunin na baguhin ang imahe ng ahensya sa pamamagitan ng mga konkretong reporma at mas maayos na sistema ng serbisyo.

Malaking bahagi ng tagumpay na ito ang pagpapatupad ng IAM Movement o Integrity, Accountability, and Modernization. Higit pa sa isang programa, ito ay nagsisilbing gabay sa kultura ng paglilingkod sa loob ng ahensya.

Sa pamamagitan kasi nito, pinatitibay ang pananagutan ng mga kawani, pinauunlad ang mga proseso, at tinitiyak na ang serbisyo ay naaayon sa pangangailangan ng publiko at ng sektor ng negosyo.

Ayon kay Commissioner Nepomuceno, ang pagkilala mula sa ARTA ay patunay na may bunga ang pagsisikap na maghatid ng tapat at mahusay na serbisyo. Ang kanyang pahayag ay sumasalamin sa layunin ng BOC na gawing bahagi ng araw-araw na operasyon ang integridad, pananagutan, at modernisasyon.

Mahalagang tandaan na ang mahusay na sistema ng customs ay may direktang epekto sa ekonomiya.

Kapag mabilis at malinaw ang mga proseso, mas napapadali ang pagpasok at paglabas ng mga produkto, napapalakas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at nababawasan ang red tape na matagal nang suliranin ng maraming negosyo.

Sa ilalim ng Bagong Pilipinas agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagkilalang ito ay nagpapakita na may mga ahensyang seryosong tumutugon sa panawagan para sa mas transparent, episyente, at makabagong gobyerno. Ang Bureau of Customs, sa pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, ay isa sa mga patunay na ang tunay na reporma ay posible kung may malinaw na direksyon at matatag na paninindigan.

Sa huli, ang pinakamahalagang benepisyaryo ng mga pagbabagong ito ay ang sambayanang Pilipino.

Sapagkat ang bawat repormang nagdudulot ng mas maayos na serbisyo ay hakbang tungo sa mas maunlad at mas maaasahang pamahalaan. Ang pagkilala ng ARTA sa BOC ay hindi lamang tropeo o plake—ito ay simbolo ng pagtitiwala at inspirasyon upang higit pang pagbutihin ang paglilingkod sa bayan.
***
Sa gitna ng umiinit na diskurso sa pulitika, muling umani ng kontrobersiya si Senator Rodolfo Marcoleta nang paratangan ang media na umano’y “bayaran.” Isa itong mabigat na akusasyon na hindi dapat basta ibinabato sa hangin, lalo na kung nagmumula sa isang taong naghahangad na muling pagkatiwalaan ng sambayanan sa isang mataas na posisyon sa pamahalaan.

Kung may ebidensiya si Marcoleta, ilabas niya. Pangalanan niya ang mga sangkot. Iharap niya ang mga dokumento. Idulog niya sa kinauukulang ahensiya. Nguni’t kung wala, hindi maituturing ang kanyang mga pahayag na makatwirang kritisismo kundi isang tahasang pag-atake sa kredibilidad ng buong industriya ng pamamahayag.

Nakapagtataka na sa tuwing may mga pulitikong hindi nagugustuhan ang lumalabas na balita tungkol sa kanila o sa kanilang mga kaalyado, media agad ang puntirya. Madaling sabihin na may kinikilingan ang mga mamamahayag. Madaling magbintang na may bayad ang mga ulat. Nguni’t ang mahirap, patunayan ang mga ito.

Ang mas nakababahala, hindi lamang nakasisira ang ganitong uri ng retorika sa reputasyon ng mga mamamahayag. Unti-unti rin nitong winawasak ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat nagsisilbing bantay laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan.

Marapat lamang na paalalahanan si Marcoleta na hindi basta-bastang propesyon ang pamamahayag. May sinusunod itong mahigpit na pamantayan at Code of Ethics. Nakasandig ang kredibilidad ng media sa katumpakan, pagiging patas, independensiya, at pananagutan. Ang mga mamamahayag ay inaasahang umiwas sa anumang uri ng suhol, regalo, o impluwensiyang maaaring makaapekto sa kanilang trabaho.

Totoo, hindi perpekto ang media. May mga nagkakamali. May mga dapat managot kapag lumalabag sa etika. Nguni’t ang pagkakamali ng iilan, hindi lisensiya upang bansagan ang buong industriya na “bayaran.” Kung ganoon ang lohika, maaari ring husgahan ang buong hanay ng mga pulitiko dahil sa mga tiwaling opisyal na paulit-ulit na nasasangkot sa anomalya. Nguni’t alam nating hindi ganoon dapat.

Sa katunayan, mas mataas ang responsibilidad ng mga pulitikong tulad ni Marcoleta sa kanilang mga salita. Ang kanilang mga pahayag may kakayahang hubugin ang opinyon ng publiko. Kapag paulit-ulit nilang sinasabing hindi mapagkakatiwalaan ang media, lumalawak ang pagdududa ng taumbayan sa mga lehitimong ulat at nagiging mas madali para sa disinformation at fake news na makahanap ng espasyo.

Hindi rin dapat kalimutan ni Marcoleta na isang karapatang nakapaloob sa Konstitusyon ang ‘freedom of the press’. Hindi ito pabor para sa media. Hindi ito espesyal na prebilehiyo ng mga mamamahayag. Ito ay proteksiyon para sa bawat Pilipino upang matiyak na may malayang daloy ng impormasyon at may mga taong maglalakas-loob na magtanong, mag-imbestiga, at magsiwalat ng katotohanan kahit laban pa ito sa mga makapangyarihan.

Sa maraming bahagi ng mundo, ang media ang unang target ng mga lider na may awtoritaryang tendensiya. Sinisiraan muna ang mga mamamahayag. Kinukuwestiyon ang kanilang integridad. Tinatawag silang sinungaling, bayaran, o kalaban ng bayan. Kapag nawala ang tiwala ng publiko sa media, mas nagiging madali ang pagmamanipula sa impormasyon at mas humihina ang kakayahan ng mamamayan na panagutin ang mga nasa kapangyarihan.

Kaya hindi simpleng isyu ang mga pahayag ni Marcoleta. Hindi ito ordinaryong bangayan sa pulitika. Usapin ito ng pananagutan at paggalang sa mga institusyong mahalaga sa demokrasya.

Maaaring punahin ang media. Maaari itong kuwestiyunin. Maaari itong singilin sa pagkakamali. Ngunit ang walang basehang pagbansag dito bilang “bayaran” hindi kritisismo. Paninira ito.

Kung nais ni Marcoleta na seryosohin siya ng publiko, dapat siyang magsalita batay sa ebidensiya at hindi sa mga sweeping accusation na nagdudulot lamang ng higit na pagkakahati-hati. Ang mga mamamahayag ay may tungkuling magtanong. May tungkuling sumagot ang mga pulitiko. Hindi bahagi ng demokrasya ang pagsira sa kredibilidad ng media sa tuwing may hindi nagugustuhang ulat.

Sa huli, kapag tinatakot, sinisiraan, at binabansagang bayaran ang media nang walang patunay, hindi lamang mga mamamahayag ang tinatamaan. Ang katotohanan mismo ang nagiging biktima. At kapag ang katotohanan ang natalo, walang panalo ang demokrasya.

At marahil ito ang pinakamahalagang tanong na dapat sagutin ng mga nagbibintang sa media: Kung mawawala ang malayang pamamahayag, sino ang magbabantay sa mga nasa kapangyarihan?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.