Advertisers
Pinaigting ng Unified Ecozones of the Philippines, Inc. – Batang Ecozone (UNECO Batang Ecozone) at ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) na naglalayong isulong ang kapakanan ng mga manggagawa at stakeholder sa mga economic zone sa buong bansa na isinagawa noong Mayo 29, 2026 sa PEZA Head Office sa Double Dragon Plaza, Pasay City.
Pinangunahan ang makasaysayang kasunduan nina nina PEZA sina Director General Tereso “Teo” O. Panga; Cavite Economic Zone Administrator Atty. Ross Vincent Sy; UNECO Batang Ecozone President Engr. Jerenato “Jerry” Alfante; at Vice President Froilan Sanchez, kasama ang iba pang miyembro ng Board of Directors ng organisasyon. .
Ayon sa mga lumagda, sumasalamin ang kasunduan sa magkatuwang na layunin ng PEZA at UNECO Batang Ecozone na higit pang palakasin ang ugnayan sa pagitan ng mga manggagawa, stakeholder, mamumuhunan, at mga komunidad na nakapaloob sa iba’t-ibang economic zone sa buong bansa.
Layunin ng MOU na magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga ecozone worker at kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa community development, volunteerism, skills enhancement, at iba pang makabuluhang inisyatiba na magpapataas sa kalidad ng buhay ng mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ni Engr. Alfante na hindi lamang isang pormalidad ang kasunduan kundi isang konkretong hakbang upang mabigyan ng mas malakas na boses at suporta ang mga manggagawa at iba pang sektor na bumubuo sa mga economic zone.
Samantala, ipinakita rin ng presensya nina Director General Panga at Atty. Sy ang matibay na suporta ng PEZA sa pagtataguyod ng mas malalim na pakikipag-ugnayan sa mga organisasyon at komunidad na may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng industriya ng economic zones sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, inaasahang magkakaroon ng mas malapit na koordinasyon ang dalawang organisasyon sa pagsasagawa ng mga programa at proyekto na naglalayong paigtingin ang partisipasyon ng mga stakeholder, palakasin ang diwa ng bolunterismo, at magsulong ng mga gawaing makatutulong sa pangmatagalang paglago at pagpapanatili ng mga ecozone sa Pilipinas.
Naniniwala ang magkabilang panig na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at mas matibay na pagtutulungan, mas maraming oportunidad ang mabubuksan para sa mga manggagawa, locator companies, investors, at iba pang sektor na umaasa sa patuloy na pag-unlad ng mga economic zone.
Itinuturing na isang mahalagang milestone ang paglagda sa Memorandum of Understanding para sa UNECO Batang Ecozone at PEZA, na kapwa naglalayong tiyakin na magiging inklusibo, makatao, at kapaki-pakinabang ang paglago ng mga economic zone at hindi lamang sa mga negosyo kundi maging sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.