Advertisers

Advertisers

Walang kamatayang mga variant

0 206

Advertisers

WALA na yatang katapusan at hangganan ang pag-sulpot ng kung ano-anong klase ng variant bunga ng Covid-19 na lubhang kinakabahala ng mga tao sa buong mundo.

Ibang klaseng kaba at takot ang dating nito sa maraming mamamayan na hanggang sa kasalukuyan ay nakikipagsapalaran pa rin sa panganib ng virus na dulot ng covid19.

Kamakailan lang ay binuliglig ang buong mundo ng DELTA variant na unang nadiskubre sa India na kung saan saksakan ng bilis itong luma-ganap at umepekto sa marami.



Matic na siyempreng kumitil ito ng maraming buhay sanhi ng dala nitong kamandag at masamang epekto sa tao.

Ngayon naman ay isang panibago na namang variant ang biglang sumulpot na nagmula naman sa South Africa na tinawag namang OMICRON.

Ang ganitong situwasyon ay labis na kinakabahala ng maraming mga tao hindi lang dito sa Pinas kundi maging sa buong mundo.

Siyento porsiyentong palulundagin na naman nito ang buong mundo na hanggang sa kasalukuyan ay nakikipag-sapalaran pa rin sa pandemya.

Hindi na yata mapapawi ang hirap at takot nila hinggil sa kung ano na namang negatibong kamandag at epekto ang dala nitong Omicron na ito.



Ano na naman kaya ang magiging sanhi nito sa ekonomiya at pamumuhay ng mga tao bagama’t hindi pa masyadong natutukoy ang dalang panganib nito.

Ibayong pag-iingat na naman siguro ang ipapatupad ng ating gobyerno bilang pag-iingat sa kabila ng pag-baba ng kaso ng Covid-19 sa bansa.

Ang sobrang pag-aalala, pag-iisip at stress sa mga tao ay sobra-sobra na at wala na yatang katapusan at hangganan.

Nandiyan na ang isipin nila ang muling pagpapatupad ng mga lockdown at mga community quarantine na sigurado na namang mag-dudulot ng pagbagsak ng ekonomiya.

Ang isa pang mahalaga at importanteng tanong dito ay kung magiging mabisa pa rin kaya ang mga bakunang tinurok sa ating mga katawan laban sa Omicron variant na ito.

Nakaka-panghinayang kasi ang ginugugol na panahon ng ating gobyerno lalo na sa kabi-kabilang bakunahan nagaganap sa bansa. Harinawa’y maging epektibo pa rin ito sa kasalukuyang virus at sa mga darating pa.

Sana’y hindi ito maging balakid sa pagbaba ng kaso ng covid19 sa ating bansa dahil bahagya na tayong nakaka-recover sa kasalukuyang pandemya.

Ipagdasal natin na magtuloy-tuloy na ang pag-usad na ito upang mapawi na ang hirap na pinagdadaanan nating mga Pinoy gayundin ang lahat ng naninirahan sa mundong ibabaw.

Nawa’y magkaroon tayong lahat ng isang MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON na gugunitain.