Advertisers
DI natin kinukuwestiyon kung anong uri man ng pag-salvage at pag-cremate ng Bureau of Corrections sa convicted drug lords sa National Bilibid Preson (NBP).
Mas mabuti ngang tinodas na sila kesa pakainin pa natin sila sa Bilibid tapos patuloy lang din ang ginagawang pagkalakal ng iligal na droga. Ugat pa sila ng korapsyon sa BuCor at NBP, pinagkikitaan ng mga tiwaling opisyal at sanhi ng pagkakapaslang sa jail officers at empleyado.
Sabi nga ng aking sources, parang shabu tiangge ang loob ng Bilibid. Ang sinumang maging opisyal dito ay tiyak multi-millionaire pag-retire, kung hindi siya mapapatay ng sindikato.
Hindi nga ba’t sa Senate inquiry noon ay ibinunyag ng na-abo nang “drug lord” na si Jaybee Sebastian na daan-daang milyong drug money ang umiikot sa loob ng Bilibid kada araw.
Ang transaksiyon daw ay sa kanola sa loob, pero ang shabu ay nanggagaling sa labas.
Noong Justice Secretary ang ngayo’y nakakulong na si Senador Leila de Lima, sunud-sunod nyang pina-raid at binuwag ang mga kubol ng convicted drug lords at notorious criminal tulad nina Sebastian, Herbert Colangco, Peter Co, Tony Co, Peter Sy at iba pa sa loob ng NBP. Dito nabunyag ang marangyang pamumuhay ng mga demonyong convicts. Kumpleto sa gadgets ang kanilang airconditioned room.
Nang dahil sa pagbulabog ni De Lima sa sindikato ng droga sa Bilibid, ginawan siya ng istorya ng drug lords pag-upo ni Rodrigo Duterte. Resulta: Kulong si De Lima sa PNP Custodial sa Camp Crame magtatlong taon na ngayon. Ang kanyang kaso ay hindi parin nadidinig. You know…
Balikan natin ang pag-cremate sa siyam na high profile convicts sa Bilibid matapos na tamaan daw ng covid-19 ang mga ito.
Maari ngang dahilan lang ang covid ng pagtigok sa mga ito. Wala tayong problema doon kahit anong klase ng pagpaslang ang ginawa sa kanila. Dapat talagang tapusin na sila para hindi na makapagkalat pa ng droga at hindi maging gatasan ng mga tiwaling opisyal ng BuCor-NBP. Peste sila sa lipunan. Ang pakialam lang natin dito ay baka pinatakas itong Chinese drug lords sa milyon milyong rason. Yun lang!
*
After ng 5th State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Lunes, malamang ay itakda narin ang pagdinig ng Senado sa isyung ito sa BuCor.
Ang mga kamag-anak ng mga convict sa Bilibid ay nagpa-interview sa CNN Philippines na si Jaybee Sebastian ay hindi namatay sa covid 19 kundi ito’y sinalvage.
Well, namatay o pinatay… as I said wala tayong paki doon. Virus siya ng lipunan. Tama lang siyang manahimik na dahil nagagamit lang siya ng mga sindikato ng droga
Ang sinisilip ngayon: Marami raw milyones itong si Sebastian. Hindi batid kung kanino ito napunta.
Ito raw ang isa sa mga dahilan kung kaya nagwala at nagbanta ang misis nito nang hindi manlang makausap si Sebastian bago ito pinatahimik. Ehek!
Anyway, abangan natin kung ano ang mga ipaliliwanag ni BuCor Director Gen. Gerald Bantag kapag piniga na siya ng mga Senador.
Abangan din natin kung ano ang mangyayari sa kaso ni Sen. De Lima ngayong abo na ang mga nagdiin sa kanya.