Advertisers
MALUPIT ang dating ng pandemya sa mundo. Sinira nito ang kaayusan ng kilos ng bawat bansa at lipunan sa mundo. Sa galaw ng kalikasan, ‘di ko na napapansin maging ang mga ibon sa himpapawid na pangkaraniwang aking tanawin. Mukhang walang pinatawad ang salot ng pandemiko, maging ang ibon sa himpapawid.
Tinawid din ang uri ng tao sa lipunan – walang mayaman o mahirap; walang superpower o mahirap na bansa. Ang sa atin lang, alam natin ang bentahe ng mayamang bansa dahil natutustusan nito ang mga pangailangang pangkabuhayan ng kanilang mga mamamayan at patuloy na nagsasaliksik upang labanan ang C-19.
Ang bentaheng ito ang puwedeng magamit upang makagawa ng gamot o bakuna upang puksain ang salot na bumalot sa mundo. Samantala, ang mga bansang mahirap ay kailangan pang mangutang upang may panustos para sa kanilang mamamayan. Aasa na lamang sa gamot at bakuna na madidiskubre ng kaibigang bansa.
Ang masakit nito, ang mga mamamayan ang siyang nahihirapan, habang ang mga namumuno’y namumunini sa salaping inutang na dapat ipantutustos sa mamamayan.
Tingnan ang umiiral na kalagayan pangkalusugan ng bansa. Maraming kuwentong kutsero ang nagsasabing hinahangaan sa mundo ang paghawak ni Totoy Kulambo sa pandemya dahil nalimitahan nito ang pagdami o pagkalat sa bansa.
Subalit ang kuwentong kutsero’y tunay na walang kwenta dahil sa katotohanan, ang bansa na lamang ang hindi pa nakapagpababa ng bilang ng mga nagkaroon at tinamaan na malubha ng C-19. Ito’y patuloy na tumataas hanggang sa kasalukuyan.
Hindi natin sinisisi ang pamahalaan. Ang sa atin lang, ipinakikita na kulang na kulang ang pagharap nito sa pandenya na nagbunga ng paglobo ng nagkakaroon nito.
Silipin natin ang kalagayan ng health workers at mga frontliners ng bansa. Hindi na mabilang kung gaano kadami ang tinamaan at tinatamaan pa ng C19 sa kanilang mga hanay. Ang masakit nito, kapag ang mga health workers natin ang nagkakaroon ng sakit na ito, hindi na rin malaman kung saang pagamutan itatakbo dahil sa umaapaw na ang kanilang kapasidad.
Nagdadalawang isip ang mga pagamutan na tanggapin ito dahil labis-labis na ang bilang ng mga pasyenteng kanilang sineserbisyohan. Wala nang pilian kung doktor, nurse o kawani ka ng pagamutan; Sa kawalan na ng lugar na paglalagakan, may mga nalalagutan na ng buhay habang nasa pila pa lamang.
Isang kaganapan ang silipin natin. Isang frontliner doktor mula sa isang bayan sa Silangang Metro Manila ang tinamaan ng C19 na ngayon ay nasa isang pagamutan at nakikipaghabulan sa kanyang buhay.
Ang masakit nito, kailangan pang makipagbrasuhan ang kamag-anak nito upang makapasok sa pagamutan ang nasabing doktor gamit ang padrino upang maka pasok. At habang nasa pagamutan, hilong talilong ang mga kamag-anak nito kung saan kukuha ng gamot dahil sa tuluyang pagkaubos nito.
Ito ang actual na tama sa ating health workers; At sa totoo, ang tama sa isa ay tama sa lahat. Sa ngayon, hinang-hina ang ating mga frontliners dahil nahawa na rin ng C19 maging ang kanilang mga kapamilya at nalalagay na rin sa panganib ang buhay ng mga ito.
Ang masakit, walang matakbuhan para sa kapamilyang may sakit ang lubhang napakabigat na kanilang pasanin. Mapaglalabanan ang sariling pagdurusa ngunit hindi ang mahal sa buhay.
Pangkaraniwan ang mga larawang ito habang nagpapatuloy pa rin ang mga health workers sa sinumpaang tungkulin ngunit iba kapag kapamilya na ang siyang tinamaan. Sa ngayon, marami sa kanila ang lumuluha nang patago, ngunit tuloy pa rin ang serbisyo para sa bayan.
Ang pagsasawalang bahala sa banta at ang pagtutok sa politika ang siyang dahilan kung bakit ang bansa lamang ang hindi nakaharap ng maayos sa pandemya. Tulad ng Balik Probinsya Program, walang tumutol dito dahil sa takot na magalit ang super alalay ni Totoy Kulambo kung hindi susundin o susubukan.
Kailangang sundin dahil baka maibulong ka nito at tanggalin sa pwestong nagbibigay ng balon ng kayamanan, kahit alam na ang laki ng kaakibat na panganib nito. Resulta, pagkalat ng pandemya sa mga kanayunan.
Lubhang nakalulungkot ang ganitong kalagayang pangkalusugan ng bansa na nakaangkla sa politika ng kampi-kampi, habang ‘di maramdaman ang pamunuan. Ito ang pamana sa Filipino ng pinunong walang malasakit sa kapwa at nakakiling sa dayuhan.
Subalit mas masakit ang sasapitin ng ating salinlahi dahil sila ang papasan sa trilyong inutang na hindi nakarating sa bayan, sa halip na sa kanilang sariling kaban. Napakasakit ang delubyong sinapit ng bansang ito sa kamay ng walang pusong pamunuan.
At saka aamin si Totoy Kulambo na ang si C19 ang malaking problema ng bansa. Hindi po, ikaw po.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com