Advertisers
NAKITA namin sa front page ng sipi kahapon ng pahayagang Philippine Daily Inquirer ang isang larawan ng mga nagproprotestang manggagawang medikal ng Jose R. Reyes Memorial Hospital sa distrito ng Sta. Cruz sa Maynila. Nakasuot sila ng overall suit na gamit sa pagharap sa mga pasyete ng Covid-19 at kumpleto sa face mask, face shield, at gamit PPE, lumabas ang mga manggagawang medikal na nakatikom ang mga kamao bilang protesta sa pamumuno ni Rodrigo Duterte at Francisco Duque III.
May hawak silang tarpaulin at plakard na may kalatas ng kanilang protesta. “Justice for Bonn, Justice for all medical workers” at “Sec Duque out now!” Ayon sa caption, humihingi ang mga manggagawang medikal ng ospital ng katarungan para sa kasama na si Judynn Bonn Suerte na nasawi dahil sa Covid-19. Hinihingi nila ang agarang pagpapatalsik kay Duque, ang makupad na kumilos na kalihim ng Department of Health.
Nakasulat sa kanilang tarpaulin ang mga katagang “Protect health workers” at “Health workers’ lives matter.” Halaw ang huling kalatas sa protesta ng mga Amerikano sa hindi patas na trato sa mga itim at ibang lahi sa Estados Unidos. Mabigat ang mensahe ng mga nag-aalsang health worker. Nagbabadya ng matinding unos sa larangan ng kalusugan.
Hindi puedeng isantabi ng gobyerno ni Duterte at mga alipures ang nakakalunos na kalagayan ng mga manggagagawang medikal. Sa pagharap sa pandemiko, sila ang nakasalang. Ang sariling kalusugan ang kanilang itinataya. Hindi nila alintana kung mabubuhay pa sila sa mga susunod na araw basta magampanan lamang ang atas ng kanilang tungkulin.
Marami ang mga nangamatay at nagkasakit sa kanilang hanay. May mga pagkakataon na halos maubos ang mga manggagawang medikal sa iba’t ibang pagamutan sapagkat pawang nagkasakit, nakakuwarantina, o namatay na. Napakalehitimo ng kanilang kahilingan: bigyan naman sila kahit ng timeout upang makabawi ng lakas. Sobrang pagod ang kanilang inabot, ngunit hindi sila pinapansin kahit ng kanilang kalihim na si Duque.
Gayunpaman, bastusan ang pakikipag-usap kay Duterte, ang mapanuwag ngunit sobrang maramdamin na lider mula Davao City. Malayong-malayo ang sagot sa mga hinihiling. Minura, binantaan, at nilait ni Duterte ang mga manggagawang medikal. Hindi kinilala ni Duterte ang kanilang pagod at sakripisyo. Tila sanggano sa kanto na tinakot sila.
Tama ang sabi ng isang mapanuring netizen, kaaway na habambuhay ni Duterte ang medical community na binubuo ng mga doktor, nars, lab tech, medical technologist, mga pinuno at ordinaryong manggagawa sa mga pagamutan sa buong bansa, at iba pa. Hindi sila mahilig makisangkot sa mga usaping pulitikal, ngunit huwag magkamali si Duterte. Wala siyang makukuhang suporta sa kanila. Totoong inutil na si Duterte.
Ano kaya ang mangyayari sa health care system kung biglang umayaw ang mga manggagawang medikal at hindi magtrabaho? Totoong hindi maaaring pilitin ang mga manggagawa na umalis at tumangging magtrabaho. Malinaw sa Saligang Batas na hindi sila maaaring puwersahin magtrabaho. Ipinagbabawal ang involuntary servitude, o sapilitang pagtratrabaho.
***
MAY mga nakakalungkot na kalatas ang mga manggagawang medikal sa tugon ni Duterte sa mga kahilingan ng medical community. Hindi humingi ang mga manggagawang medikal ng panibagong lockdown o ECQ, anila. Malayong malayo ang isinagot ni Duterte sa kanilang kahilingan. Kabaligtaran ang muling pagsasailalim ng mga piling lugar sa lockdown.
Mas nais ng medical community na magkaroon ng plano, programa, at paninindigan ang gobyerno ni Duterte. Wala kasing plano at programa ang gobyerno. Iniasa ni Duterte sa bakuna na manggagaling sa China ang lahat-lahat pagdating sa usaping pandemiko.
Walang malinaw na plano kung paano ililigtas ang naghihingalong health care system ng bansa. Humihiyaw ang mga manggagawang medikal ng sobrang pagod, kawalan ng aruga sa kanila, at takot na magkasakit at mamamatay dahil sa Covid-19, ngunit banta at paninindak ang isinagot ng mapanuwag na lider.
Ipinapaliwanag ng medical community na isang malaking kabiguan ang pamahalaan pagdating sa paghahanap ng mga solusyon sa pandemiko. Bigo sa case finding, isolation, contact tracing, at iba pa. Walang alam si Duterte kundi ang solusyong militar, anila. Ininsulto pa ang mga nars na salat sa tamang suweldo at sinabihan na magpulis na lamang, anila.
Humiling ang mga manggagawang medikal ng suporta sa transportasyon sa pagpunta sa mga pagamutan at pag-uwi sa kanilang mga tahanan, ngunit iba ang sagot ng tila bangag na si Duterte. Sapagkat muling ibinaba ang lockdown, mistulang tinanggal na ang transportasyon sa kanila. Hindi lahat ay may sasakyan, anila.
Kataka-taka rin na hindi makapagbigay ng ayuda si Duterte sa mga manggagawang medikal. Marami siyang inutang sa iba’t ibang bansa. Saan napunta? Ito ang tanong nila.
Sa maikli, pinasama lamang ni Duterte ang sitwasyon ng mga manggagawang medikal. Hindi niya isinagot ang hinihinging timeout, anila. Marapat lamang na magbitiw na lamang siya at ibigay ang poder sa mas karapat-dapat na kahalili.
***
MGA PILING SALITA: “The way [authoritarians] think is anything they do to stay in power is fine as long as it works.” – Gary Kasparov
“When medical workers feel their lives are at stake, they could quit cold turkey. The Constitution bans involuntary servitude.” – PL, netizen
“It is clear that we are losing the fight against COVID-19 due to government’s neglect of public health-centered approaches. Five months into the pandemic and we still lack decent infrastructure for contact tracing, mass testing, and safe workspaces and transportation. Healthcare worker recruitment has slowed down due to a lack of proper compensation and safety equipment. Hospitals in major urban centers are reaching maximum capacity, and use of equipment in hospital care is a matter of choosing who lives and dies. DOH manipulated data to make it appear we gained 38,000 recoveries when these were just reclassified asymptomatic cases. While nurses are making ends meet with a P13,000 a month salary, officials like SolGen Calida live lavishly with a monthly P1.4 million.” – Partido Akbayan
“Who really has demeaned the highest office of the land if not the so-called president himself – with his dirty mouth and foul language, his dirty hand gestures, his misogynist jokes, his frequent murderous threats that have turned too often into reality, his wanton violation of human rights, his disregard of the Constitution and other laws, his subservience to China, his midnight rants that often become official policy, his lazy work habits, and his inability to accomplish anything worthwhile in the four years he has been in office?” – Miguel Suarez, journalist, netizen
***
(Email:bootsfra@yahoo.com)