Advertisers
Nilinaw kahapon ng Malakanyang na sa mga pampublikong transportasyon lamang ipinag-utos na gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield simula Agosto 15.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi naman mandatory na magsuot ng face shield kapag lumabas ng bahay.
Dagdag pa ni Roque, tanging ang Department of Transportation (DOTr) ang may kautusan na kinakailangan magsuot ng face shield bukod pa sa face mask kapag sasakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ang paglilinaw ni Roque ukol sa pagtutol ni Senadora Imee Marcos sa nasabing kautusan dahil dagdag gastos sa mga ordinaryong Pilipino.
Giit pa ni Roque, kaligtasan ng bawat commuters sa mga public transportation ang isasaalang-alang ngayon global pandemic.
Nabatid na batay sa pag-aaral ng mga eksperto, sa droplets ng positibong pasyente naipapasa ang virus kaya mas mainam na sapat ang proteksiyon lalo na kapag sasakay ng pampublikong sasakyan.
Sa ipinalabas na kautusan ng DOTr, ipapatupad ang mandatong ito sa lahat ng mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney, bus, taxi, tren, passenger vessels at maging sa eroplano. (Josephine Patricio/Vanz Fernandez)