Advertisers

Advertisers

KORAPSYON

0 545

Advertisers

Tunay na ang mundo’y umiikot sa iba’t ibang anyo at tagapagpaganap. Hindi man natin nakita sa ating mga mata ang mga kaganapan noong mga unang panahon, makikita pa rin sa mga aklat na muling bumabalik ang kasaysayan. Minsa’y binabanggit natin sa ating sari-sarili na nangyari na sa atin ito, ngunit hindi natin mabalikan sa ating isip kung saan at kailan ito nangyari.

Ikinikibit-balikat na lamang natin dahil ang buhay ngayo’y maaring nangyari na noon at ang pagsagi nito sa ating alaala’y napapansin natin sa kasalukuyan.

Sa pagsasaliksik, halos kasintanda na ng korapsyon ang paglikha sa mundo at umikot-ikot lamang ito sa kung sino-sino ang gumaganap. Sa karaniwang eksena, naririyan ang mga taong ayaw magpasakop sa sistema at pilit na pinaiikutan ito.



Para itong nagayuma sa sarap ng natikman na halos kinalimutan ang pinagmulan dahil sa natikmang kaginhawahan sa buhay. Subalit sa katunayan, ang pagkahumaling sa natikmang kaligayahan ang nagbigay sa kanila ng kahihiyan mula sa kanilang mga kasalanan na nag-alis sa kanila sa paraiso.

Sa pagsilip sa kasalukuyang kaganapan, tila muling bumabalik ang panahon ng Batas Militar kung saan ang mga retiradong heneral ngayon na malapit kay Totoy Kulambo, na siyang tagapagpaganap, ang mga mabubuting tinalaga. Hindi maaring hindi sundin ang utos dahil ang kapalit nito’y kaginhawahan ng buhay ng mga gumaganap at maging ang mga mahal nito sa buhay.

Subalit tunay na kaligayahan nga ba kung ikaw at ang iyong mga mahal sa buhay ay mababa o “morale-less” ang tingin ng kapwa? Hindi ito sulit sa isang marangal na kawal na piliin ang salapi, kaysa sa dangal.

Hindi ba’t maraming kawal ang nagbubuwis buhay para sa karangalan at sa bayan? Hindi ko maintindihan ang isang ito. Sabagay, marami naman sila sa pamahalaang ito na ipinagpalit ang dangal sa kapangyarihan ng pagpwesto’t limpak-limpak na salapi.

Sa mundo natin ngayon na kung saan ang teknolohiya ang pangunahing paraan ng komunikasyon, mas kapansin-pansin na mababa ang mga moral ng mga obrerong rank-and-file dahil sa nangyayari sa pamahalaan.



Hindi nila malaman kung tunay o hindi ang mga kaganapang nababasa nila sa social media. Ang tanging malinaw ay ang korapsyong naganap at patuloy na nagaganap. Ito’y mapapansin sa marami nilang mga ipinaabot, sa pamamagitan ng mga post na may halong galit at tampo.

Ipinapaabot nila na dapat umaksiyon si Totoy Kulambo upang panagutin ang may sala. Ipinapaabot nila ang pagkadismaya sa mga kasalukuyang liderato ng bansa. At sa huli, ipinaabot nilang malapit na nilang abutin ang sukdulan.

Ang ambag ng mga obrero ay hakbang patungo sa kaayusan at serbisyo para sa bayan–iyan ang serbisyo sibil. Kahit simpleng ambag, tunay na nakapagpapasaya ito sa kanilang loob at maging sa masang kanilang pinaglilingkuran.

Subalit, ang mga anomalya sa pondong umaabot na hindi lamang milyon-milyon, kundi bilyon-bilyong halaga, ang tunay na nakapanlulumo sa kanila. Kinausap natin ang ilang kawani ng pamahalaan na nagdadalawang-isip sa kanilang pahayag, na nagsasabing lubhang malayo ang lideratong ito sa pinalitan nitong pamahalaan.

Mali mang maghambing sa dalawang magkaibang pamamahala sa magkaibang panahon, ang kawalan ng direksyon ang kanilang matingkad na pagkakaiba.

Ang kaganapan sa makabagong panahon ay tila muling bumabalik ang kalakaran ng nakaraan. Iba man ang set-up, naroon ang mga tauhan–may bago at lumang gumaganap. At ang inog ng kasaysayan–muling ibinalik.

Ngayon, ang bidang bandido’y nasa panig ng pamahalaan sa pagkakatalaga ni Totoy Kulambo bilang pangulo ng isang korporasyon. May imbestigasyon sa Senado. At sa pagharap nito, iba ang tayo niya’y bilang taga-takip sa amo, kaiba sa dating mga postura na taga-turo ng kasama.

Ang P15B halaga ang dahilan ng imbestigasyon at ito rin ang dahilan para magkaroon ng malalang sakit na at ‘di kinayanan ang pagdinig. At kung sa isip natin na ito’y may kaba, ‘di ko nakikita, dahil kakampi ang nasa poder.

Ang tanging kaba nito’y ang ngitngit ng masang tunay na biktima ng korapsyon. Malinis ang salaping galing kay Mang Juan Pasan Krus na ipinagkatiwala sa mga tiwali sa pamahalan.

At sa imbestigasyon, huwag na sanang maulit ang kasaysayan sa anomalyang ito, na ang mga rank-and-file na nagproseso ng mga dokumento ang siyang lalabas na may sala dahil sa kanilang paghahanda makikita ang kanilang lagda.

Wala sila sa lugar upang tutulan ang utos ng mga nakatataas, sa takot na makasuhan ng insubordination. Kaya’t sa huli, pakiramdam ng mga obrero’y naipit sila sa nag-uumpugang bato na walang mababalingan. Korapsyon ng may kapangyarihan, obrero ang pumapasan. Hindi tama iyan.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com