Advertisers
KAHIT may COVID 19 pandemic tayong nararanasan ngayon, tuloy pa rin ang taping ng “Ang Sa Iyo Ay Akin” na pinagbibidahan nina Iza Calzado, Sam Milby, Jodi Sta. Maria at Maricel Soriano. Aminado ang binansagang Diamond Star ng showbiz na si Maricel, na may konting takot siyang nararamdaman kapag pumumunta siya sa taping ng kanilang serye.
“Konting takot kung sa takot. Kasi siyempre, ayaw mong magkaroon ng ganoong virus, ‘di ba? Kaya lang, naiisip ko ‘yung ang saya ko, kapag nasa set kami. Alam mo, ang kaibahan nga lang ngayon, wala na ‘yung masyadong chika. Tuloy-tuloy lang kami sa pagti-taping. Magri-reading, blocking, tapos take na agad. Siyempre, nakaka-miss ‘yung dati na may konting chikahan muna bago mag-take,” sabi ni Maricel sa virtual presscon ng “Ang Sa Iyo Ay Akin.”
First time ni Maricel na makatrabaho sina Iza, Jodi at Sam. Puring-puri niya ang mga ito.
“Alam ninyo, lagi kong sinasabi ito, kapag may bago akong nakakatrabaho, kasi first time kong makatrabaho si Sam, Jodi saka si Iza ko “Lord, sana swerte ako ulit,” E, swerte naman talaga ako kasi napakababait ng mga batang ito. Saka ibang klase sila sa kanilang propesyon. Napaka- punctual, napaka-professional at napakagagaling. Doon ako bumilib talaga sa kanila. Ang gagaling ng dalawang babae, at hindi nagpapatalo si Sam. Magaling din si Sam Milby,” anya.
Hindi basta-basta gumagawa o tumatanggap ng serye si Maricel. Sinisigurado muna niya na maganda ang role niya, at maganda ang istorya, may relevance kumbaga, bago niya ito tanggapin. Ano ba ang mayroon o nakita nya sa “Ang Sa ‘’Iyo Ay Akin” kaya niya tinanggap ito?
“Alam mo, ito ‘yung istoryang pwede mong sabihing busog na busog ka. Ang daming nangyayari. Hindi mabagal. Hindi naman mabilis (ang pacing). Hindi siya comedy, drama siya. ‘Yung role ko mabait, pero magbabago, dahil may pinaglalaban. Hindi ka masama pero nagmumukha kang masama. Pero me rason.”
Ang “Sa Iyo Ay Akin” ay sa ilalim ng direksyon ni F.M. Reyes at Avel Sunpongco at produksyon ng JRB Creative Production. Abangan ang “Ang Sa Iyo Ay Akin” simula sa Agosto 17, pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsiyano” sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live. Para sa updates, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr)
***
MARAMING nahahanap na paraan ang Kapuso couple na sina Jak Roberto at Barbie Forteza, o mas kilala bilang JakBie, upang makapag-date pa rin kahit naka-quarantine.
Para sa kanila, ang mahalaga raw ay ang oras na magkasama silang dalawa. Kamakailan lang, nagkaroon ng bonding moment ang dalawa sa kusina at ibinahagi nila ito sa latest vlog nila. Ipinagluto ni Jak ang kanyang girlfriend ng espesyal na version niya ng King Crab! Kitang-kita naman sa video na nag-enjoy ang mag-jowa sa kinain nila.
At mukha ngang naparami ng kain sina Jak at Barbie kaya naman nagbiro ang aktres na, “Mag-promise tayo. Magda-diet na bukas, promise!”
Dagdag pa na kuwento ni Jak, “Noong nag-Japan tayo, hindi ko masyadong na-appreciate ‘yung king crab na kinain natin doon kasi steamed lang. Pero ito, nilagyan namin ng butter, garlic saka konting sugar, konting salt. Binoil ko lang ng five minutes [‘yung crab] bago ko ilagay sa butter saka garlic. Ang sarap!’ (Rommel Placente)