Advertisers

Advertisers

PAANO AT MAGKANO ANG PAGBANGON?

0 650

Advertisers

Lumagapak pang lalo sa -16.5% ang ekonomiya ng bansa ngayong second quarter kasunod ng -0.2% na pagbagsak noong first quarter. Ibig sabihin nito ay opisyal nang pumasok sa resesyon ang ekonomiya ng Pilipinas ayon sa paliwanag na tumatawid sa resesyon ang isang ekonomiya kung may at least two consecutive quarters of negative growth sa gross domestic product (GDP).

Walang duda na nasa masamang lebel na tayo ng resesyon dahil mas malala pa ito kung ikukumpara sa krisis noong 1983-85. Malaki rin ang posibilidad na lalo pa tayong lumubog dahil sa hindi naaampat na pagkalat ng COVID-19 virus, bagsak na produksyon, at patay na konsumo dahil sa kawalang-trabaho at kita ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.

Kung paano tayong umabot sa ganito ay narinig na natin ang opisyal na paliwanag mula mismo kay Pangulong Duterte. Ito ay dahil sa beerus. Dahil walang vaccine. Dahil maraming pasaway. Kaya huwag na kayong masyadong manilip ng dahilan. Huwag nang maningil. We’re hit as one. We heal as one. We recover as one.



Pero kayanin din kaya ng three-in-one na paliwanag kung paano, ganundin kung magkano, ang paraan at halaga ng pagbangon mula sa malalim na krisis na ito?

Palasyo na rin ang nagsabi na P18-B ang nawawala sa eknomiya sa bawat araw ng lockdown. Ibig bang sabihin nito ay agad ding babalik ang P18-B kapag inalis na ang lockdown? Hindi otomatik na ganoon. Ang batas ng ekonomiya ay hindi simpleng 1 + 1. Kung gagamitin ang estimate na ito ng Palasyo, aabot na sa mahigit P1.6 trilyon ang pagkalugi ng ekonomiya kung ibabatay sa tatlong buwan na lockdown (March 15-June 15). Nasa ikalimang buwan na tayo ngayon.

Kung recovery ang agenda, ang usapin ay kung papaano pa lamang natin mababawi ang nawalang ito sa ekonomiya, hindi pa pag-unlad, hindi pa bago o mas magandang normal. At magkano kaya ang kailangan para lamang sa muling pagpapaandar sa patay na mga makina ng ekonomiya?

Sa tanong na paano ay may malinaw na dapat gawin, na dapat nga ay silang unang ginawa, sa pagharap sa pandemya. Ito ang pagkontrol sa pagkalat ng virus. Sa katunayan ang naging ‘rebolusyon’ ng mga medical frontliners ay pagpapahayag lamang ng naunang mga pagkukulang. Inabot ng tatlong buwan bago narating ang 10,000/day na kapasidad sa mass testing. Hindi rin natiyak sa mga employers ang balik-trabahong ligtas para sa kanilang manggagawa. Huli nang nailatag ang isolation centers sa mga barangay. Ito ang mga naging dahilan sa lalo pang pagdami ng impeksyon sa lebel na ng mga pamilya at pagawaan.

Magkano naman ang kailangan para makarekober ang ekonomiya? Dito ay hindi nagkakasundo ang mga mambabatas at economic managers ni PDuterte. Ang nakahain sa Kongreso na panukalang stimulus (ARISE at CURES) na akda ng ilang eknomistang kongresista ay nagkakahalaga ng P1.3 at P1.5 trilyon. Ang Nagkaisa Labor Coalition kung saan ako kabilang ay may panukala ding Labor Agenda na hindi rin bababa sa P1.3 trilyon ang halaga ng stimulus na kumakatawan sa infection control, gayundin ang ayuda sa pormal at impormal na manggagawa at suporta sa importanteng mga industriya. Ang Ibon Foundation ay mayroon ding panukala sa halagang P1.6 trilyon.



Ngunit ang Bayanihan 2 na itinutulak ng Palasyo ay humihingi lamang ng P140-B na siyang inayunan ng Senado para sa stimulus. Ang naaprubahan naman sa Kamara ay P162-B. Pagkakasunduan pa ang malinggit na halagang ito ng Kamara at Senado sa bicameral conference committee.

Ang malinaw ay napakalayo ng halagang gusto ng Palasyo kumpara sa mga nabanggit na panukala. Walang maniwala na kayang makamit ang V-shaped recovery at ibangon ng administrasyon ang wasak na ekonomiya sa ganitong halaga. Bakit nga ba ganitong lang?

Dahil wala nang pera gaya ng paulit-ulit na sinasabi ng Pangulo? Dahil ba mataas pa ang kumpyansa ng negosyo at handa pa silang dumiretso kahit bagsak ang merkado? Dahil ba gustong-gusto pang magtrabaho ng manggagawa kahit peligroso?

Kung saan napunta ang maraming pera ay dati nang katanungan. Kung saan dadalhin ang natitirang pera ay panibagong hilahan ng prayoridad. Kung saan kukunin ang dagdag na pondo ang magiging sukatan sa kaseryosohan ng liderato na ibangon ang bansa mula sa pagkakalugmok.

Ang kakapusan ng pondo ay hindi dahilan para kapusin ng plano ang gubyerno. Managing scarce resources ang siyensya na itinuturo ng economics. Pero hindi ibig sabihin nito ay pagtitipid sa panahon ng krisis.