Advertisers
NASA ilalim pa rin ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ilang karatig-lalawigan.
Sa Lunes, inaasahang magbabago ang status na ito.
Iaanunsiyo na raw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong quarantine classifications.
Maganda nga raw kung MECQ pa rin o ECQ.
Para naman hindi na kumalat pa ang sakit.
Nakakatakot.
Pero ang mahirap, walang makain ang tao.
Walang trabaho ang karamihan sa mga kababayan natin.
Kaya nananawagan nga raw sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ilang residente ng Barangay 831, Zone 90 sa Paco, Maynila na hindi pa rin nakatatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).
Wala pa raw naipamahagi sa kanilang barangay mula sa programa mula nang magsimula ang lockdown sa Metro Manila bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ng Kapamilya site, sinasabing may mga residenteng nawalan na ng hanapbuhay at umaasa na lang sa ayuda ng lokal na pamahalaan at mga mabubuting loob.
Isa sa mga residenteng umaasang makakuha ng SAP si Larry Torrique na bukod sa wala nang trabaho ay PWD din.
Noong isang taon, naoperahan siya sa at kailangang napapalitan ang colostomy bag tuwing dalawa hanggang tatlong araw.
Nang kapusin sa pangkain, umaabot ng isang linggo bago siya makapagpalit ng colostomy bag na nasa P450 ang halaga.
Aba’y kawawa naman.
Ang matindi, tuwing magtatanong sa barangay tungkol sa SAP, inaabisuhan lang daw ang mga residenteng tulad niya na maghintay lang kung may darating na SAP.
Paliwanag naman ni Samuel Baldicañas, chairman ng Barangay 831, hindi kasama ang kanilang barangay sa listahan ng DSWD na mabibigyan ng SAP dahil hindi raw sila depressed area.
Gayunman, sapagkat may mga walang trabaho sa nasasakupan, nakiusap daw ang barangay sa DSWD para bigyan sila ng SAP forms.
Nasa 57 forms lang ang nailaan sa barangay.
Ang masaklap, wala pang kasiguraduhan kung kailan darating ang SAP.
Naipadala na raw nila online ang mga SAP form na natanggap nila.
Hindi pa tapos ang laban natin sa COVID-19.
Nagdudumilat din ang katotohanan na hindi lang tuloy virus ang kalaban natin kundi ang kahirapan.
Nawa’y mabigyan ng ayuda ang mga karapat-dapat na mabigyan.
Binabalanse rin naman ng gobyerno ang sitwasyon.
Habang may banta ng coronavirus, mahalaga pa ring umusad ang ekonomiya ng bansa.
* * *
PARA sa inyong reaksyon, reklamo at sumbong, maaari n’yong i-text o tawagan si SNIPER sa 09299507599.