Advertisers

Advertisers

Ayaw magkumento ni PBA Comm. Marcial

0 349

Advertisers

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial ay ayaw na niya magbigay ng petsa sa muling pagbabalik ng liga ngayong pandemya.

Dangan kasi raw ay ilang ulit na siyang nasunog sa isyu. Una raw ay Hulyo kanyang tinuran na naging Agosto pero malabo pa rin daw.

Naging panauhin natin nina Bob Novales at George Boone si Kume Willie sa Boomers’ Banquet noong Sabado.



“Basta may go-signal na ang IATF kung kailan pwedeng mag-ensayo ay mga isang buwan pa maaari na maglaro,” ika ni Marcial na nagsimula sa PBA bilang statistician ng Vintage tv coverage panel. “Ngunit hindi kakayanin ang ala-NBA bubble,” dugtong ni Marcial na madalas lokohin sa ere nina Joe Cantada at Sev Sarmenta habang nag-co-cover ng mga laban.

Binalita rin niya na all-out ang Board of Governors para sa ating pambansang koponan. Wala raw limitasyon ang maaaring hiramin o huguting player nila. Lalo pa raw at naghahanda tayo bilang host ng FIBA-World sa 2023.

Nabaling ang huntahan sa pag-ban for life noon kina Robert Jaworski at Alberto Reynoso. Inatake at ginulpi nila ang mga repering sina Jose Obias at Eriberto Cruz sa gitna ng match ng Meralco at Crispa sa Rizal Memorial Coliseum. Ayon kay Marcial ay ganoon din magiging aksyon ng kanyang opisina kung mangyari ito sa PBA.

Nanghihinayang naman siya na iilan lang mga player ang naging taga-pito. May programa pa raw sila ngunit hindi naging attractive sa mga manlalaro ang mag-officiate. Sina Tito Varela, Ernie de Leon at Benjie Chua ang mga naka-cross-over sa pagiging game officials.

Nakisali rin si Kume sa pagtalakay sa basketball noong bago pa nagkaroon ng pro league sa atin taong 1975 kasama ang ibang bisita na sina sportscaster Charlie Cuna at cage historian Jay Mercado.



Napag-usapan siyempre mga bantog na manlalaro sa panahong yon gaya nina Big J, Big Boy, Freddie Webb, Tembong Melencio, at Jimmy Mariano, Pati yung mga nauna sa kanila na sina Carlos Loyzaga, Lauro Mumar, Charlie Badion, Fely at Gabby Fajardo. Nabanggit din mga enforcer dati na sina Onchie de la Cruz, Ricky Relosa, Vic Sanchez na madalas ipatawag ngnakaupong commissioner. Isang mahalagang tanong na nasagot ay kung bakit napakahilig nating mga Pinoy sa game na naimbento ng Canadian na si James Naismith. Sang-ayon ang lahat na ito’y dahil sa tagumpay natin sa rehiyon mula pa ng Far Eastern Games, hanggang sa Asian Games at Asian Basketball Confederation. Pangalawa ay kasi nais natin ang mabilis ang scoring na hindi makikita sa baseball at football. Pangatlo ay sa kakulangan ng malawak na palaruan para sa ibang sports na sikat sa Amerika at Europa. Pang-apat ay ang media attention na inuukol sa laro. Kumbinasyon ng mga iyan kaya nahumaling tayo sa game.

Masaya ay malaman ang episode na kailangan magkaroon ng Part 2.

***

Ibang klase talaga itong si Luka Doncic ng Dallas. Kahit kaka-injure lang ng kanyang ankle ay bumida sa Game 4 ng serye nila ng Clippers. Winning shot pa kamo at tres pa sa overtime kaya nanalo ang Mavericks sa Game 4 para itabla sa 2-2 ang match-up. Gumawa ang Slovenian cager ng triple-double sa panalo. 43 na puntos, 17 na rebound at 13 na assist.

Sabi nga ni Tata Selo ay gagaling pa ang numero 77 ng Mavs at future ito ng NBA . Aba’y 21 anos pa lang at makisig pa.Bale 14 na taon ang tanda sa kanya ni LeBron James na tinuturing ngayon na No. 1 superstar sa buong mundo.