Advertisers
Ginimbal tayo ng linggong ito sa pag-boycott ng mga NBA player sa kanilang mga game sa unang round ng post season.
Inumpisahan ng Milwaukee ang hindi pagsipot sa Game 5 nila ng Orlando bilang protesta sa pagkakapatay kay Jacob Blake, isang Afro-American na binaril ng mga pulis sa Kenosha sa state ng Wisconsin.
Sinundan ito ng ilan pang mga koponan na may laro nang araw na iyon. Ayon sa NBA ay postponement daw kahit giit ni LeBron James na boycott ang naganap.
Isang matinding statement ito kontra sa racial injustice sa Estados Unidos. Nakasaad sa mga uniporme at nakasulat na nga sa hardcourt ang Black Lives Matter sa NBA bubble pero nangyari pa ang karumal-dumal sa lugar na malapit lang sa Milwaukee.
Kahapon nagpulong ang team owners, cagers, league officials at iba pang stakeholders upang ayusin ang gusot at maghayag ng isang nagkakaisang hakbang.
Medyo over-acting o reaction naman ang ulat na ayaw na magpatuloy pa ang Lakers at Clippers. Nais na raw iwan ang ESPN, DisneyWorld. Si Michael Jordan na may-ari na ng Charlotte Hornets ngayon ang naging tulay sa players’ association at ang board of governors.
Sa huli pumayag muling lumaro mga basketbolista nguni’t may mga stipulation sila. Isa rito na kailangan may isang opisyal ang liga na tututok sa isyu. Inaasahan na magpapatuloy na first round ngayong weekend.
Lalo naman bumilib si Tata Selo sa NBA na malaki pakialam sa mga nangyayari sa lipunan. Ayon kay Tatang ay sana raw kahit katiting ay mayroon din nito ang PBA.
***
Isa pang bumulaga sa ating balita ay ang Sorsogon training bubble ng UST. Nabisto ito matapos ang pagtanggal kay CJ Cansino sa koponan at ang mabilis na pagkalipat sa UP.
Lumabas ang mas malaking isyu na pilit itinatago sa publiko. Paano nagkaroon ng ensayo sa Sorsogon ang mga Espana dribbler gayong bawal pa ito sa panahon ng pandemya? Biglang umalingasaw ang baho ng pinatupad na special session sa Bicolandia.
Siyempre galit ang ibang eskwelahan na pakiramdam nila’y iniisahan sila ni Coach Aldin Ayo. Inis ang Philippine Sports Commission na binigyan prayoridad ang training kaysa kalusugan. Banas ang IATF na napalusutan sila ng mga pasaway na mga taga-USTe.
Dami rin tanong ni Pepeng Kirat. Paano raw nakakuha ng mga travel pass sa PNP at clearance sa LGU ang Growling Tigers? Alam raw ba ng pamunuan ng buong unibersidad ang plano ni Coach Ayo? Tunay bang P3M ang pondong nilaan sa Sorsogon adventure samantalang nagreteklamo ang mga bata sa kanilang kinakain? Totoo bang hindi pinagamot ang isang player na dumdaing na masakit ang tiyan?
Habang wala pang malinaw na mga kasagutan kay Pepe ay nagbitiw na ang paring in-charge sa sports ng pamantasan na si Fr.
Jannel Abogado. Agad naman binalik ang dating hepe ng Institute of Physical Education and Athletics na si Fr Ermito de Sagon.
Tiyak may parusa ang UST sa UAAP na posibleng suspensyon. Ang Commission on Higher Education maaari rin magpataw ng penalty.
Ang problema ay madadamay ang ibang atleta sa kasalanan ng namamahala sa mga tigreng manlalaro. Hala, lagot!